Monday, August 8, 2022
politiko-politics-ph-logo

‘Wa pakels sa middle class?

Jul 3, 2022 @ 12:07

Mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic mga tropapips, ilang beses nang nagbigay ng ayuda ang gobyerno sa mga mahihirap para matulungan silang makaraos sa krisis. Pero bakit parang walang nagtatanong sa mga nasa “middle class” kung kailangan din nila ng tulong?

Mahigit dalawang taon na tayo sa pandemic at ayuda pa rin ang panawagan para sa mga mahihirap. Kasama na rin ang mga tsuper dahil sa nakaka-highblood na walang tigil na oil price hike.

Ngayon, mababawasan pa ang kakarampot na minimum wage hike na ibinigay sa mga obrero dahil inaprubahan na ng LTFRB ang dagdag na P2 singil sa pasahe. Ang mga kurimaw natin adiktus, handang ipusta ang kanilang biyenan na susunod na rin ang fare hike sa mga bus, taxi, TNVS at iba pa.

Bagaman walang naman sigurong papalag sa pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap, lalo na sa mga pinakamahihirap, ang tanong, may nagtanong kaya sa panig ng pamahalaan na alamin sa mga nasa middle class kung kailangan din nila ng ayuda?

Ang ibang opisyal, matik ang sagot na hindi dapat bigyan ng ayuda ang mga nasa “middle class” dahil mas mataas sa minimum wage ang sahod nila. Pero papaano kung hindi naman talaga kalakihan ang sahod nila at breedwinner pa ng pamilya?

Bukod pa dyan, marami rin sa kanila ang nawalan din ng trabaho o negosyo o raket noong pandemic. Maaaring kini-KP o kinakapos na rin ngayon ang ilan sa kanila dahil sa sobrang taas ng mga bilihin, krudo at kuryente na makikita rin sa pagtaas ng “inflation.”

Kailangan din natin linawin mga tropapips na kapag sinabing “middle class,” hindi matik na bigtime na ang sahod nila. Mayroong sinusunod na kategorya sa mga tinatawag na middle class batay sa sahod nila.

Sa isang report ng Philippine Statistics Office noong 2020, lumilitaw na ang kategorya ng Middle Class ay batay sa buwanang kita ng pamilya: P23,381 ang mga “Lower” middle class; P46,761 ang “Middle” middle class; at P81,832 ang “Upper” middle class.

Malaking bahagi ng kinikitang buwis ng gobyerno ay mula sa middle class na kumakatawan sa 43.5% ng populasyon ng bansa. Bakit nga naman hindi, aba’y 30% ng kanilang sahod ay matik na kinakaltasan ng buwis.

Kung susuriin ang sahod ng nasa lower middle class, masasabing hindi naman ganung kabongga ang kanilang kita lalo na kapag tinapyasan pa ng buwis. Kung umuupa pa sila ng bahay at may malaking pamilya, tiyak na ikot ang tumbong niya sa mahal ng gastusin ngayon.

Sa bilang mga middle class, sinasabing 63%, o mahigit 7 milyon households ang nasa lower middle-income. Kahit man lang sana sa grupong ito ng middle class, may opisyal sana na magtanong kahit papogi lang kung anong ayuda ang dapat sa kanila–cash ba, bigas ba o LPG?

Sa survey na ginawa ng Social Weather Station noong April 2022, lumitaw na 43% o 10.9 milyon ang nagsabing mahirap sila. Bahagyang mataas yan sa 10.7 milyon sa nakaraang survey noong Disyembre.

Pero kasama rin sa naturang survey ang nagsabing ‘newly poor’ sila, o ngayon lang nila naranasan ang maghirap. At ang bilang nila, 1.5 milyon. Sa tingin niyo mga tropapips, bago sila naging “mahirap,” saan kategorya kaya sila galing?

Kung galing sila sa middle class, magiging poor kaya sila kung nabigyan sila ng suporta? Baka ang isagot ng ibang opistal: Ma at Pa (malay ko at pakialam ko).

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.