Monday, September 16, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Walang kupas si SenPing

Jun 2, 2019 @ 10:14

Habang tila nalibang ang marami sa atin dito sa lalaking nagpakilalang siya si “Bikoy,” tila napapabayaan ng mga kinauukulang opisyal ang mas seryosong problema sa bansa—ang pagkalat pa rin ng droga at ang mga taong nasa likod nito.

Naging parang teleserye nga sa simula itong kuwento ni Peter Joemel Advincula, na nagpakilalang siya si alyas “Bikoy,” ang misteryosong tao na hindi nakita ang mukha sa kumalat na video na pinamagatang “Ang totoong narco-list.”

Sa naturang video, kung sino-sinong kamag-anak at malapit kay President Mayor Digong Duterte ang isinangkot niya sa droga. Pero kinalaunan, lumutang nga itong si Advincula na nagpakilalang siya si “Bikoy.” At ilang araw matapos niyang panindigan ang mga nakasaad sa video, biglang nagbago ang ihip ng hangin.

Humingi na siya ng paumanhin kay Pres. Duterte sa mga sinabi daw niya sa video na hindi umano totoo. At itinuro pa niyang bigla ang oposisyon na nasa likod niya raw para siraan ang pangulo dahil gusto raw pabagsakin ang administrasyon.

Pero nangyari ang pagbaliktad ni Advincula matapos maglabasan ang mga pahayag na nagdududa sa kaniyang kredibilidad. Kahit nga ang Palasyo, duda kay Advincula lalo pa’t may kinakaharap pala itong mga kaso ng estafa. Kaya kumbaga sa nga teleserye, nag-flop ang drama niya.

Ngunit ang tanong na hindi pa rin malinaw na nasasagot dahil wala naman yatang nagsiyasat: si Advincula ba talaga si “Bikoy?” Anong katibayan na magpapatunay na siya ang lalaki sa video? Bakit dapat paniwalaan agad ang ginawang pag-ako ni Advincula na siya si Bikoy gayung lumilitaw na ilang beses na pala siyang sumabit sa kaniyang pagsisinungaling? Baka naman “decoy” siya at hindi Bikoy?

Ngayong flop ang teleserye ni Advincula, dapat pagtuunan na muli ng pansin ang problema sa droga na patuloy pa rin ang pagbaha sa bansa. Kamakailan nga lang, higit P1 bilyon halaga ng shabu na galing sa Cambodia ang nakumpiska sa isang bodega sa Malabon.

Sabi noon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naitimbre daw sa kanila at sa Bureau of Customs ang paparating na shipment. Ang kaso, hindi raw nakita sa pagsusuri ng BOC ang droga na nakatago sa mga aluminum na pelete o patungan ng harina. Inabandona rin daw ang kargamento kaya ipinasubasta nila sa pag-asang sasali sa bidding ang sindikato.

Pero isang lehitimong kompanya ang nanalo sa bidding at nang dalhin sa bodega sa Malabon ang mga produkto, duon palang binuksan ang mga palete at nakita ang droga. Sa kuwento ng PDEA, hindi malinaw kung alam na ba agad nila ng BOC kung saan nakatago ang droga? Bakit kinailangan pang hayaan nilang madala ito sa bodega?

Sa privilege speech ni Senador Ping Lacson kung saan inakusahan niya na talamak pa rin ang “tara system” sa BOC, o lagayan, kinuwestiyon niya kung bakit hindi na-detect ng mga high-tech machine ng BOC ang nakatagong droga? At totoo nga kaya na ang nanalong bidder pa ang nagtimbre at nakakita kung saan nakatago ang droga?

Aba’y kung nakalusot na naman sa BOC ang ganung karaming droga, hindi maiiwasang isipin ni SenPing baka marami pang shabu ang nakalulusot sa BOC. Ang mahiwagang tanong, magkano este papaano?

Bukod sa nakapuslit na namang droga, pinuna rin ng senador kung bakit naitalagang Customs Deputy Commissioner itong si Vener Baquiran, na dating inalis sa kaniyang puwesto sa Manila International Container Port matapos makalusot din ang mga pinaniniwalang shabu na itinago sa mga magnetic lifter.

Hindi nga naman magandang halimbawa ang “promotion” ni Baquiran sa mga tunay at matitinong tauhan ng BOC. Baka isipin ng iba na nabibigyan pala ng pabuya ang mga opisyal na may sabit. But wait there’s mga tsong, isiniwalat din ni SenPing ang tungkol sa isang Chinese national na sangkot sa pagkakalat ng droga sa Pilipinas, na nagagawang maglabas-pasok sa bansa.

Sabi ng senador, ang Chinese na si Zhijian Xu o “Jacky Co,” ang nasa likod daw ng 276 kilo ng shabu, na bilyon din ang halaga, at pinaniniwalaang nakalusot sa Manila International Container Port noong March 22 matapos itago sa mga magnetic lifter. Ang tanong na naman kung totoo ang akusasyon ni Ping, magkano? este papaano nagawa ni Zhijian na malayang makapaglakbay sa Pilipinas?

Kung totoong patuloy na nakalulusot sa BOC ang daang-daang kilo ng shabu, hindi na nakapagtataka kung patuloy na nagkakaroon ng bentahan ng shabu sa mga kalye ng gramo-gramo. Iyong nga lang, ang mga napapatay sa operasyon eh yung mga tulak at user, pero ang mga utak, hayahay. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.