Wednesday, November 20, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: VP Leni bilang ‘anti-drug czar’, deal or no deal?

Nov 3, 2019 @ 8:22
Parang chess game ngayon ang alok ni President Mayor Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo na pangunahan ang kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga. Ang tanong ng marami nating kurimaw—dapat ba niyang tanggapin o hindi?
Pero bago natin pag-usapan ang may pagka-“tricky” na alok ng pangulo sa kaniyang kritikong bise presidente, iparating na muna natin ang panawagan ng mga nasalanta ng mga lindol sa Mindanao na nangangailangan nang agarang tulong tulad ng pagkain, tolda o lona, tubig-inumin, at mga basic need.
Sa mga tsokaran nating nakaka-LL, o nakakaluwag-luwag, huwag pong magdalawang isip na magbigay ng donasyon sa mga mapagkakatiwalaan ninyong grupo na magpapadala ng mga gamit at pagkain sa mga kababayan nating nawalan ng tirahan sa Mindanao dahil sa lindol.
Sabi nga ni President Mayor Duterte, parang “earthquake season” ngayon na sunod-sunod na niyanig ang Mindanao ngayong Oktubre. Hindi biro ang tindi ng mga pag-uga ng lupa dahil apat sa mga ito ang nasa magnitude 6 ang lakas. Kaya kung ang isang gusali eh nakaligtas sa unang uga, talagang masuwerte na kung magkabiyak lang ang estruktura pagkaraan ng tatlo pang nasa magnitude 6 o higit pang uga.
Ngunit kung tutuusin, mapalad pa rin ang mga kababayan natin sa Mindanao dahil naganap ang malalakas na pagyanig sa umaga, o hapon, o may liwanag pa. Aba’y hindi natin alam kung anong mangyayari kung naganap ang mga malalakas na lindol sa oras nang kasarapan ng tulog at nasa loob ng mga bahay ang mga tao. Bukod kasi sa peligro na mabagsakan ka ng bahagi ng bahay o gusali, delikado rin ang mga landslide lalo pa’t nag-uulan sa mga lugar na nilindol.
Sana naman ay maging mabilis ang paghahatid ng tulong sa mga biktima at makabangon kaagad sila sa trahediya. Papaano kaya kapag sa Metro Manila mangyari ang naturang sunod-sunod na lindol, gaano kaya kahanda ang mga taga-Metro Manila? Kayanin kaya ng naglalakihang mga office at condo building ang ganung kalalakas na lindol na magkakasunod? Aba’y sana.
Balik tayo sa alok kay VP Leni maging drug czar. Ang isa nating tsokaran, tinawag na “tricky” ang alok ni President Mayor Digong dahil may pangbuwelta na raw ang gobyerno sa bise presidente kapag hindi niya tinanggap ang alok. Kapag nagpatuloy nga naman kasi si Robredo na punahin ang “war on drug” campaign ng gobyerno, sasabihin lang ng Palasyo na tumigil siya dahil inialok sa kaniya ang trabaho pero hindi niya tinanggap.
Kung tatanggapin naman ni VP Leni ang trabaho at nagpatuloy pa rin ang pagkalat ng droga, tiyak na gagamitin ito laban sa kaniya pagdating ng 2022 elections sakaling tumakbong pangulo na si VP Leni. Magandang tanong ng isa nating kurimaw, hahayaan ba ng administrasyon na magtagumpay si VP Leni na masugpo ang iligal na droga at magamit niyang “pampaganda” sa 2022 elections?
Mula nang lumutang ang alok sa kaniya na maging anti-drug czar, tila naging maingat si VP Leni sa mga sagot na para bang duda siya at baka mahulog siya “bitag.” Bakit nga naman niya tatanggapin kung “six months” lang ang unang taning na binanggit ni President Mayor Duterte sa kaniya na tapusin ang problema sa droga. Ang kaso, may isang opisyal na kapartido ni Robredo sa Liberal Party ang nagmarunong na bakit daw “six months” lang at hindi gawing “three year,” o ang nalalabing panahon ng termino ng bise presidente.
Aba’y “call” ang ginawa ni President Mayor Digong sa sumunod niyang alok kay VP Leni dahil payag na siya, na ang bise presidente ang magiging anti-drug czar hanggang sa matapos ang termino nila. Ngayon, ang kampo ni VP Leni, natural play safe uli sa sagot at sinabing lagi silang handa suportahan ang gobyerno pero ayaw nilang maging “scapegoat” si Robredo sa bigong anti-drug campaign ng gobyerno.
Kaya naman habang isinusulat natin ito, wala pa ring balak si VP Leni na tanggapin ang alok kahit ginawa nang 3 years ang palugit mula sa dating six months. Ibig din nitong sabihin eh hindi nakatulong at mukhang nakasama lang ang pahayag ng nagmagaling na isang opisyal ng LP na nagsabing gawing 3 years ang pagiging anti-drug czar si VP Leni. Pero kung kayo mga tsong ang tatanungin, deal o no deal na dapat si VP Leni sa alok?
 Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
 (Twitter: follow@dspyrey)
Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.