Wednesday, December 11, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Tusok ng dengvaxia o tusok ng lamok?

Aug 3, 2019 @ 19:53

Halos isa’t kalahating taon mula nang ipatigil ng pamahalaan noong December 2017 ang paggamit ng anti-dengue vaccine na dengvaxia, inihayag ng isang opisyal sa Palasyo na bukas ang pamahalaan na muli itong gamitin. Kaya ang tanong marahil ng ating mga katsokaran, ma-welcome back kaya ang dengvaxia?

Pero bago natin pag-usapan ang perwisyong dala ng mga lamok, tinatanong ng ilan nating katsokaran kung ano kaya ang pakiramdam ng mga Cayetano nang hiritan sila ni President Mayor Digong Duterte tungkol sa pagiging “dynastiya” ng kanilang pamilya.

Nangyari ang eksena sa paglulunsad ng mobile app na 911 TESDA sa Taguig kung saan dumalo mismo ang mag-asawang kongresista na si Alan at Lani Cayetano, at alkalde ng lungsod na si Lino Cayetano. At sa harap nilang tatlo, tinanong ng pangulo kung kailan kaya matatapos ang dynastiya nila.

Si Alan at Lino ay magkapatid, habang si Lani ay dating alkalde ng Taguig na pinalitan ni Lino sa puwesto. But wait there’s more ika, senador ang isa pa nilang kapatid na si Pia. Natural ang depensa nila eh ibinoto sila ng mga tao kaya sila nanalo. Pero siyempre kung ikaw ang nasa puwesto at makapangyarihan, malaki ang bentahe mo sa halalan.

Marahil ang tanong ng iba pa nating mga katsokaran, ano kaya ang mayroon sa Taguig at nais kopongin ng mga Cayetano ang lahat ng mataas na posisyon sa lugar? Mayroon kaya silang lihim na nais protektahan na baka mahalungkat kapag iba ang namuno sa lunsod?
Mantakin mong dalawang distrito sa isang lungsod eh tinakbuhan ng mag-asawa, hindi man lang kaalyado nila ang pinatakbo nila.

Aba’y wala ba silang tiwala sa mga tao nila? Kung tutuusin mga tsong, hindi lang naman sila ang mag-asawang nakaupo ngayon sa Kongreso; pero may hiya siguro ang iba dahil hindi sila tumakbo sa iisang lugar. Ang isa ay nanalo sa distrito, habang ang asawa nila ay nanalong party-list representative.
Bagaman masasabing “biro” ang hirit ni President Mayor Digong sa mga Cayetano, ang katotohanan, dynastiya pa rin ang tingin sa kanila.

Balik tayo sa dengvaxia mga tsong. Mismong si Presidential spokesperson Salvador Panelo ang nagsabi na bukas ang pamahalaan sa anumang posibilidad na makatutulong sa tao. Kung matitiyak daw na ligtas gamitin ang dengvaxia, bukas silang gamitin itong muli.

Hindi masisisi ni PAO (Public Attorney’s Office) chief Persida Rueda-Acosta kung ganito ang pahayag ni Panelo dahil nga sobrang taas ng bilang ngayon ng mga Pinoy nagkaka-dengue at namamatay sa dengue. Nitong July 15, nagdeklara ang Department of Health ng “national dengue alert” dahil umabot na sa 106,630 dengue cases sa bansa sa loob lang ng unang anim na buwan ng 2019.

Noong Enero 1 hanggang Nobyembre 17, 2018, nakapagtala ang DOH-Epidemiology Bureau ng 179,540 dengue fever cases. Mas mataas sa 135,166 cases na naitala sa unang 11 buwan ng 2017. Nangyari ang pagtaas matapos ipatigil ang pagbabakuna ng dengvaxia noong December 2017, dahil sa peligro sa mga nabakunahan pero hindi pa nagkaka-dengue, batay sa babala ng Sanofi, ang kompanya na may gawa ng gamot.

Sa 700,000 bata na nabakunahan ng dengvaxia noong kalagitnaan ng 2016, tinatayang 10 porsiyento raw ay hinihinalang hindi pa nagkaka-dengue. Sinasabing malalaman lang talaga kung ano ang pinakamatinding masamang epekto ng dengvaxia sa mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue kapag lumipas na ang 30 buwan mula nang maiturok ang gamot. Ngayong Agosto 2019 na, posible na bang sabihin na nalampasan na nila ang delikadong 30 buwan?

Hindi lang naman ang Pilipinas ang bansang gumamit ng dengvaxia. Marahil ay dapat magkaroon na nang masusing pag-analisa sa bisa ng dengvaxia para malaman kung talagang epektibo at “ligtas” na itong gamitin. Kung ligtas nang gamitin, hayaan ang publiko na magpasya kung nais nilang makipagsapalaran sa tusok ng bakuna o sa tusok ng lamok na may dengue.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.