Wednesday, October 23, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Tumitinding Speakership Game

Jul 6, 2019 @ 8:23

Habang papalapit nang papalapit ang State of the Nation Address (SONA) ni President Mayor Rodrigo Duterte sa July 22, patindi naman nang patindi at parumi nang parumi ang bangayan ng mga kongresista na nag-a-ambisyong maging Speaker o lider ng mga kongresista sa Kamara de Representantes.

Kung ang kurimaw natin na mahilig magmiron sa mga usaping pulitikal ang tatanungin sa tunggalian sa speakership, tingin daw niya, si Taguig City Representative Alan Peter Cayetano daw ang pinakanagkakalat sa apat na itinuturing seryoso sa pinag-aagawang pinakamataas na posisyon sa Kamara, at ika-apat na pinakamataas sa gobyerno.

Bukod kay Cayetano, contender din sa naturang posisyon sina Leyte Rep. Martin Romualdez, Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Pero sa tingin ng ating kurimaw, nagpakita kaagad ng kahinaan at pagiging desperado itong si Cayetano nang ibalita niya ang tungkol sa “term sharing” deal daw nila ni Velasco. Bakit nga naman hindi iisipin na mahina ang manok ng mga taga-Taguig, aba’y kung alam mong may sapat kang numero ng mga kongresista na boboto sa iyong speaker, bakit ka papayag sa term sharing?

Sabi ni Cayetano, si Velasco raw ang nagpalutang ng term sharing, bagay na itinanggi naman ng manok ng mga taga-Marinduque. Ngunit sa isang talumpati kamakailan ni President Mayor Digong, kinumpirma niya na may pag-uusap nga ang dalawa na term sharing. Subalit hindi malinaw kung binasbasan nga niya ang kasunduan. Ang malinaw ay sinabi na ng pangulo na hindi siya mag-eendorso ng kandidatong speaker. In short, bahala silang maglabo-labo.

Dahil na rin sa deklarasyon ng pangulo na wala siyang iiendorso, aba’y lumitaw na mali at hindi totoo ang sinabi noon ni Cayetano na binasbasan ng pangulo ang pagtakbo niyang kongresista para maging Speaker. Iyon ang lagi niyang sinasabi na kaya raw siya nagbitiw bilang kalihim ng Foreign Affairs.

Pero ngayon, parang naulit lang nang tumakbo siyang Senate President noon at sinabing suportado siya ni President Mayor Digong. Ngunit kinalaunan, walang binasbasan ang pangulo at si Sen. Koko Pimentel ang naging lider ng Senado.

Tanong tuloy ng ating kurimaw, pinapangunahan ba o inilalagay ni Cayetano sa alanganing posisyon ang pangulo?

Ngayon, lumilitaw na silang dalawa ni Velasco ang nagbabakbakan at tila nagsisiraan. Kahit nga ang anak ng pangulo na si incoming Davao City Rep. Paolo Duterte, eh napipikon na dahil nadadamay siya sa bangayan ng mga aspiranteng speaker. At ayaw na ayaw pala ng bagong kongresista na may idinadamay pang mga misis sa siraan.

Kilala kasi itong si Paolo at kapatid niyang si Mayor Inday Sara na malapit kay Velasco. Ngunit hindi lang ang mga anak ng pangulo ang nakakaladkad sa bangayan sa speakership dahil nadadamay na rin ang ilang kilalang negosyante na nagpapakawala raw ng pera at nagla-lobby sa kani-kanilang manok. Siyempre nga naman, may mga kani-kanilang business interest na gustong pangalagaan ang mga negosyante.

Habang nagbabangayan sila, mukhang tahimik na kumakamada itong Romualdez na ilang beses na nakitang kasama ng pangulo sa ilang lakad niya. Hindi raw magtataka ang ating kurimaw kung isa kina Cayetano o Velasco ang kakausap kay Romualdez ng term sharing din. Pero kung may sapat na bilang ng mga kongresistang si Romualdez, aba’y isnabin niya ang mga ito baka siya naman ang silipan at palabasin na nakikipagsabwatan sa kaninoman.

Tungkol kay Alvarez, mukhang kailangan niyang magpakita sa nakairingan niyang si Mayor Inday Sara nang malaking bilang ng mga kongresista na sumusuporta sa kaniya. Sa ganitong paraan lang siguro niya makukumbinsi ang alkalde na ibigay sa kaniya ang suporta kaysa kapartido niya sa PDP-Laban na si Velasco. Kung hindi ito mangyayari, malamang na taga-ibang partido ang maging Speaker.

Paalala nga pala mga tsong, dahil tag-ulan na at panahon ng pag-aabangan sa anunsyo kung may klase ang mga bata o wala, alalahanin na kapag nagdeklara ang PAGASA ng storm warning signal, kaagad nang malalaman kung may pasok o wala ang mga bata. Kapag Signal No.1, walang pasok ang mga nasa kindergarden at pre-school; Signal No.2, walang pasok ang kindergarden, pre-school, elementary at high school; Signal No.3, lahat ay walang pasok pati sa kolehiyo.

Kung walang inilalabas na storm signal ang PAGASA pero malakas ang ulan, ang mga lokal na opisyal [tulad ng mayor] ang dapat magbigay ng abiso kung may pasok o wala. Tanong ng ating kurimaw, papaano kung wala ring abiso si mayor at napasarap ang tulog? Aba’y tuloy ang pasok at i-bash na lang nang katakot-takot si mayor sa social media.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.