Saturday, January 19, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Taon ng babuyan!

Jan 5, 2019 @ 11:18

Sabi ng ilang Feng Shui expert , Year of the Pig ang 2019 batay sa Chinese Zodiac at magiging mas maganda raw ang taon ngayon kumpara sa nakaraang 2918 na Year of the Dog. Pero tanong ng ating kurimaw na mapamahiin, maging taon din kaya nang babuyan ngayon?

Kahit pang-Chinese ang Fen Shui, maraming Pinoy ang naniniwala at sumusunod dito. Katunayan, kahit kapus sa badget, maraming Pinoy ang nagiging mahilig sa bilog na prutas na ihahanda sa pagsalubong sa bagong taon dahil suwerte raw. Pero dapat bang sundin na ngayong Enero ang mga sinasabing pampabuwenas gayung sa Pebrero pa kung tutuusin ang New Year ng mga Intsik?

Kaya hindi rin natin masisisi ang ating kurimaw na mag-isip kung marami ang magbababuyan ngayong taon. Bukod nga kasi sa ito ay Year of the Pig, nataon din na election year [mid-term elections]. At alam naman natin kapag eleksyon, may mga kandidato na barubal sa kampanya, lokal man o nasyunal, na gagawa ng kung anu-anong maruming taktika para manalo.

Ngayon pa nga lang, ilang mga kakandidato na ang pinatay at hindi inaalis ng mga awtoridad ang anggulong pulitika sa kanilang kaso. Ang mahirap nga lang sa ganitong mga kaso, hindi natutukoy madalas ang mastermind dahil mga inuupahan lang na hired killers na tumitira sa mga biktima.

Mauutak na rin ang mga “utak” sa krimen, bakit nga naman sila mag-uutos sa kanilang mga “tauhan” na ipapatay ang kanilang kalaban gayung may mga “for hire” naman. Kung pumalpak nga naman si “tauhan” o kaya ay mahuli, madaling maiuugnay kay “mastermind” ang krimen. Samantalang kung uupa sila ng papatay, may kakausap lang dito na hindi konektado kay “mastermind” at gagawin siguro ng kuwento si biktima para gamiting basehan para ipatumba.

Kapag nagtagumpay si “hired killer” na maitumba si biktima, uutusan naman ngayon ni “mastermind” si “tauhan” na “patahimikin” na rin si “hired killer” para wala nang makaalam sa ginawa nilang krimen. Aba’y parang istorya sa teleserye o pelikula ‘di ba mga tsong?

Karaniwan sa mga lokal na posisyon nangyayari ang tumbahan ng mga kandidato, sa nasyunal gaya ng mga senador, aba’y siraan at intrigahan lang ang uso. Dito kadalasang nangyayari ang babuyan lalo na ngayon na uso ang social media.

Noon na wala pa ang social media, uso ang mga “white paper” o mga paninira o intriga sa mga kandidato na ipinapadala sa mga mamamahayag. May mga pananabotahe rin na ginagawa sa mga kandidato na nakaalerto sa ilang media kaya madaling lumalabas sa balita. Pero ngayong may social media na, naku po! mas madali ang manira at mambaboy.

Larawan lang ng kandidato na ie-edit o ipo-photoshop para palabasin kunwari na plastik ang pagkatao o may hindi magandang ginagawa ang kandidato, tiyak na marami ang maniniwala. Ang problema kasi ngayon, bukod sa mahirap malaman kung inedit ba ang larawan, maraming netizens ang “funny” as in paniwalain gaya ng isang dating secretary na babalik naman sa mababang kapulungan.

Kung tama ang ating kurimaw baka magkababuyan ngayon taon, kaya ba naging maingay at maraming talakan sa pulitika noong 2018 eh dahil sa Year of the Dog, na kahol nang kahol? Eh papaano kung Year of the Monkey, maraming ungguyan o lokohang magaganap? Marami kayang mag-aaway na parang nagsasabong kapag Year of the Rooster? Eh doon sa ibang zodiac signs kaya?

Magandang abangan kung sinu-sino ang mga kandidato ang ipinanganak sa Years of the Rabbit, Monkey, at Rat na sinasabing pinakamasuwerte raw ngayong Year of the Pig? Manalo kaya sila kahit hindi sila lumalabas sa mga survey?

At mayroon kaya sa mga kandidato na gagamit sa kanilang kampanya o magsusuot ng uniporme na kulay pula, dilaw o berde, na sinasabing buwenas na kulay ngayong taon? Tingnan natin lalo pa’t magsisimula na ang kampanya.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.