Sunday, December 15, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Si-SEA-han GAMES!

Dec 1, 2019 @ 18:49
Hindi pa man pormal na nagsisimula nakaraang linggo ang bakbakan ng mga manlalaro sa 30th SEA Games dito sa atin ay namumutiktik na ang social media sa dami ng mga balita—negatibo at mga reklamo nga lang ang halos karamihan.
Dahil tayo ang host, natural na mataas ang ambisyon o target ng mga sports official pagdating sa dami ng medalya na gusto nilang mapanalunan ng mga bata natin. Dahil ito pa lang ang ika-apat na pagkakataon na magiging host tayo ng palaro mula nang sumali tayo noong 1977, target nga ngayon ng mga opisyal natin na makasama ang Pilipinas sa top 3 ng mga bansa sa dami ng mahahakot na medalya.
Tuwing ikalawang taon ginaganap ang SEA Games na nilalahukan ng 11 bansa. Pero isang beses pa lang tayo naging number one, noong 2005 nang gawin din dito sa Pilipinas ang palaro. Magmula noon, naging pang-lima hanggang pang-pito na ang puwesto natin.
Ang tanong tuloy ng isa nating kurimaw na walang hilig sa sports, sinasadya kaya na pagurin at hindi bigyan ng masasarap na pagkain ang mga dayuhang manlalaro para masira ang diskarte at matalo? Pero mukhang hindi naman dahil maging ang ilang natin manlalaro eh may puna rin sa mga tinulugan nilang hotel, paghahatid sa venue at maging sa pagkain—tulad ng almusal na kikiam.
Marami pang kapalpakan na naglalabasan sa tila hindi raw magandang paghahanda ng mga namamahala sa palaro sa pangunguna ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na si Speaker Alan Peter Cayetano rin ang pinuno. Noong kalihim pa siya ng Department of Foreign Affairs, inilagay sa ahensiya niya ang P7.5 bilyon pondo para sa palaro kahit wala namang kinalaman ang DFA sa sports.
Matapos ang kontrobersiyal na “kawali” (cauldron) na nagkakahalaga ng P50 milyon, naglabasan na nga mga tsong mga problema sa paghawak sa SEA Games. Tulad ng reklamo ng mga dayuhang manlalaro na walang matulugan, walang masakyan, walang mapagpraktisan, tinipid na pagkain at iba pa.
May mga venue rin ng palaro na hindi pa tapos gawin, taliwas sa ipinagmamalaki ni Cayetano na “reading-ready” na raw ang lahat.
Aba’y pati ang mga taga-media na magkokober ng event eh damay sa mga kapalpakan dahil sa mga ID na mali ang pangalan o ibang mukha ang nakalagay. May mga nababalita pang mga volunteer na nagrereklamo rin pero titiisin na raw muna ang lahat at saka na magsasalita kapag natapos na ang palaro. In fairness, maganda naman ang kinalabasan ng opening ceremony, kahit may reklamong pre-taped.
Sabagay, noon pa man eh nakitaan na ng problema ang paghahanda ng tropa ni Cayetano sa SEA Games dahil sa walang kasusta-sustansiyang logo na mukhang rubber band lang na kinalog. Malayong-malayo sa mga disenyo na ginawa sa naunang tatlong pag-host ng bansa sa naturang palayo. Pati ang larong bowling, ginawa sa isang mall ng mga Villar na kapartido niya.
Siyempre, gaya ng mga dating ginagawa ni Cayetano, iba ang pinagbubuntunan niya ng sisi sa mga nangyayaring aberya. Kabilang na rito ang pagkakaantala raw ng pagpapalabas ng pondo dahil hinarang daw ng mga senador. Aba’y natural lang na kuwestiyunin ng mga senador ang pondo dahil inilagay niya sa DFA, sa halip na ahensiyang may kinalaman talaga sa sports.
Pero mukhang walang lusot si Cayetano ngayon dahil maging ang kaniyang kasangga na si Senador Bong Go eh nais na imbestigahan ng Senado ang mga nangyayaring kapalpakan sa SEA Games. Kung may dapat ipagdasal ngayon si Cayetano, iyon eh hindi sana maapektuhan ang laro ng mga Pinoy at humakot ng maraming medalya para makapasok sa top 3 ng medal standing.
Kung hindi iyon mangyayari, tiyak na iisipin ng marami na nakarma ang Pinas dahil sa mga kabulastugan ng mga namahala sa SEA Games, at siya ang unang-unang mababato ng sisi.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
 (Twitter: follow@dspyrey)
Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.