Wednesday, October 23, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: ‘Repolio’: Return of the polio

Sep 29, 2019 @ 9:47
Pagkaraan ng 19 na taon, parang balikbayan na nagbalik sa Pilipinas ang polio na siyang dahilan din para malumpo ang kinikilalang “utak ng himagsikan” noong panahon ng mga Kastila na si Apolinario Mabini.
Pero bago natin pag-usapan ang “repolio” o return of the polio, magandang maging babala sa mga netizen ang nangyari sa aktres na si Kris Bernal na nag-viral ang video habang umiiyak dahil na-hack kaniyang mga social media account.
Nang mapanood daw ng isa nating kurimaw na ayaw gumawa ng Facebook account, ang video ni Kris, naawa raw siya at natawa sa aktres. Naawa dahil ramdam niya kung gaano kahalaga sa aktres ang social media, at natawa dahil para daw bang katapusan na ng mundo kapag nawala ng social media.
Ngunit kung tutuusin, hindi natin masisisi si Kris na ganoon ang maging reaksyon niya dahil kailangan niya sa kaniyang trabaho at negosyo ang social media. Pero dapat matuto ang netizens ng leksyon sa nangyari matapos na ipaliwanag ng aktres kung papaano na-hack ang kaniyang account. May nagpadala raw sa kaniya ng mensahe tungkol sa umano’y copy right infringement na inakala niyang totoo. Nang i-click o buksan niya ang mensahe, hiningi ang kaniyang email address at password; na kaniyang ginawa. Pagkatapos nun, isa-isa napasok ang kaniyang social media at email accounts.
Kung sakaling mabibiktima ng ganitong modus sa internet, ipinapayo ng mga awtoridad na i-report ito sa kanila upang maitala na may ibang tao na umagaw ng kaniyang social media. Ang dahilan nito ay para magkaroon ng record at katunayan ang biktima na may ibang gumagamit ng kaniyang account.
Posible kasing gamitin ng hacker sa iba pang modus ang inagaw niyang account at baka kayo ang mapagbintangan.
Ngayon kung naireport nyo na na-hack ang inyong account, mayroon kayong matibay na depensa. Kaya huwag basta-basta pipindutin ang mga mensahe na inyong natatanggap lalo na sa mga taong hindi ninyo kakilala at kaduda-duda ang nakasaad lalo na kung hinihingi ang inyong email add at password.
Samantala, after 19 years, bumalik nga daw ang polio matapos na dalawang bata (isang 3 taong gulang at isang limang taong gulang) ang kumpirmadong nagkasakit nito. Sana lang ay walang permanenteng pinsala sa mga bata ang kanilang karamdaman. Kadalasan kasing nalulumpo o napipilay ang mga biktima ng polio gaya ng nangyari kay Mabini. Mantakin mong ganung katagal na ang naturang sakit.
Pero bakit nga ba nagbalik ang polio? Ang ilan sa mga idinahilan ng Department of Health (DOH) ay bumaba ang bilang ng mga magulang na pinapabakuhan at pinapainom ng pangontra sa polio ang kanilang anak. Ang pagdalang ay iniuugnay pa rin nila sa posibleng pagkatakot ng mga magulang sa bakunang “dengvaxia,” na para sa dengue.
Ang isa pang dahilan ay ang kawalan daw ng palikuran ng maraming Pinoy para maayos nilang madispatya ang kanilang ebak.
Sa ebak daw kasi ang namumugad ang virus ng polio kaya natural na mamasyal ito kung sa tabi-tabi o sa ilog lang nagbabawas ang mga tao. Bukod doon, puwede rin daw makahawa ang polio.
In short, bukod sa pagpapabakuna at pagpapainom ng gamot kontra-polio, kalinisan pa rin ang sagot sa problema. Pero puna ng isa nating tsokaran, tila sablay daw kung ididikit sa dengvaxia scare ang pagbabalik ng polio. Pumutok kasi ang isyu na peligroso ang dengvaxia sa mga hindi pa nagkakadengue noong Nobyembre 2017. At sa sumunod na taon na nagkaroon ng mga ulat tungkol sa ilang batang nagka-dengue at nasawi.
Kaya kung tatlo at limang taon ang dalawang bata na nagka-polio, mukhang sadyang hindi sila nabigyan ng gamot na kontra sa polio na karaniwang ibinibigay sa mga paslit. Ang tanong bakit kaya? Nakalimutan kaya ng kanilang mga magulang, o nagkaroon ng pagkukulang noon ang DOH sa kanilang kampanya at ngayon lang sila babawi dahil bumalik nga ang sakit?
Pero anuman ang dahilan, dapat paigtingin ng DOH ang kanilang programa sa pagpapabakuna upang mapawi ang maling akala ng mga magulang tungkol sa mga tusok-tusok na pangontra sa mga sakit.
Bukod doon, dapat paigtingin din ng pamahalaan ang kampanya para mapagawan ng mga takobets ang mga kababayan natin na “tabi-tabi” o “balot-balot” ang paraan ng pagbabawas ng kanilang “sama ng loob.”
 Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
 (Twitter: follow@dspyrey)
Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.