Thursday, May 28, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Puwedeng pagkunan ng pondo ng barangay ang mga ‘kamote’ rider

Feb 2, 2020 @ 17:48

Marami talaga tayong mga tsokaran na punding-pundi na sa mga pasaway o kung tawagin eh “kamote” riders na marunong lang magbalanse sa pagmomotorsiklo pero ogag naman pagdating sa pagsunod sa batas sa pagpapatakbo.

Hindi kasi maiwasan ng mga tsokaran natin na mapag-usapan ang mga kamote rider nang maging isyu ang atras-abante na tirada ng technical working group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr), na ipatigil na ang isinasagawang pilot run ng motorcycle taxi.

Una kasi, lumabas sa mga ulat na nais na nga ng TWG na itigil na ang pilot run at ipa-blacklist ang Angkas. Kaya naman may mga tsokaran tayo na gumagamit ng motorcycle taxi ang nabahala kapag natuloy iyon. Kahit papaano raw naman kasi, may silbi talaga ang motorcycle taxi para mabilis na makarating sa pupuntahan.

Pero parang kabag lang pala na iniutot ang pangamba ng mga tsokaran natin dahil matapos umalma ang mga mambabatas sa mungkahi ng TWG na itigil ang test ng motorcycle taxi, kinahapunan eh ok na at tuloy na uli ang ligaya ng mga motorcycle taxi. Naghihimutok kasi ang TWG dahil bukod sa pasaway daw ang Angkas at hindi sumusunod sa patakaran ng test run, hindi rin daw nagbibigay ng kailangan nilang mga datos.

Hindi naman natin masisisi ang TWG na tila napikon na sa Angkas dahil ilan beses na nila itong sinita bunga ng umano’y mga paglabag. Kahit nga ang paglalagay ng TWG ng limit sa mga rider para sa extension ng test run, eh kinuwestiyon ng Angkas sa korte. Kung dati kasi eh 27,000 ang riders ng Angkas, naging 10,000 na lang daw ito, kapareho ng dalawang kasama sa pilot run na JoyRide at MoveIt.

Hirit naman ng Angkas, ipinaglalaban lang nila ang kanilang posisyon dahil hindi raw makatwiran ang pagkakaloob ng limit sa riders at mawawalan daw ng trabaho ang 17,000 nilang riders. Pero tiniyak naman nilang makikipagtulungan sila sa TWG.

Ang mga senador, naniniwalang dapat ituloy ang test run para makakuha sila ng kinakailangan nilang impormasyon sakaling magkaroon na ng panukalang batas para gawing pormal na legal ang motorcycle taxi bilang isang paraan ng transportasyon. Sa mga probinsiya, mayroon ding ganitong paraan ng pagbiyahe na kung tawagin eh “habal-habal.” Iyon nga lang, hindi gaya ng legit na motorcycle taxi, walang insurance ang mga sasakay sa habal-habal.

Sabi naman ng iba nating tsokaran, kung Angkas ang nagpapa-highblood sa mga miyembro ng TWG, bakit hindi na lang nila i-blacklist o suspindihin ang Angkas at hayaan na magpatuloy sa operasyon ng test run ang JoyRide at MoveIt. Sa ganito nga namang paraan, mapaparusahan nila ang Angkas, at hindi mapeperwisyo ang mga pasaherong tumatangkilik ng motorcycle taxi.

Naniniwala rin ang mga tsokaran natin na dapat talagang makakuha ng tamang datos ang TWG tungkol sa usapin ng kaligtasan ng mga pasahero. May mga rider daw na talagang alanganin kung sumingit at maaaring madisgrasya. Bukod doon, dapat ding mapag-aralang mabuti kung magkano ba ang dapat na maging pamasahe sa motorcycle taxi.

Nang mapag-usapan na ang ginagawang pagsingit ng mga rider, naungkat din ang mga rider na patuloy na sumasampa sa mga bangketa kapag naipit sa trapik. Ano nga ba ang dahilan at parang laging nagmamadali ang mga rider? Para daw mauubusan ng kalye ang mga ito at sinasakop pati ang bangketa.

Ang matindi, maraming riders na sila pa ang matapang kapag sinisita ng mga naglalakad. Aba’y nilinis ba ang mga bangketa para sa mga kamote riders? Hindi naman yata.

Kaya mungkahi ng mga tsokaran natin, bakit hindi magpasa ng ordinansa o anumang batas o resolusyon na magbibigay ng kapangyarihan sa mga barangay na tiketan at pagbayarin ang mga rider na sasampa sa bangketa? Kapag daw ginawa ito, magkakaroon na ng dagdag na pondo ang mga barangay, tiyak na madidisiplina pa ang mga kamote riders.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.