Friday, June 18, 2021
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: May naasar kaya kay Eleazar bilang PNP chief?

May 8, 2021 @ 9:15

Malamang na katakot-takot ang kantiyaw ng mga nakakakilala kay General Guillermo Eleazar na magpakanton dahil sa wakas ay natupad na ang pinapangarap ng lahat ng pulis na maging bastunero ng Philippine National Police.

Bakit nga hindi matutuwa ang mga maka-Eleazar, aba’y 2019 pa mga tropapips ay kabilang na ang pangalan niya sa mga pinagpipilian na magiging hepe ng PNP nang magretiro ang dating bossing ng mga pulis na si Oscar Albayalde.

Katunayan, mayroon mga pulis ang hindi type si Eleazar dahil “pasikat” daw sa media. Ilang beses kasing nakunan sa video si Eleazar na sinasabon nang walang panlawan ang mga pulis na nahuhuli niyang natutulog sa pansitan, este police station.

Ang mga pulis-patola naman nahuhuling sangkot sa kalokohan tulad ng hulidap, aba’y kulang na lang konyatan ni Eleazar sa inis. Pero kung wala siguro silang kasamang media, malamang nakatikim ang mga iyon
sa kaniya ng pisil sa pisngi.

Ang kaso, nang magretiro nga si Albayalde, ang napili naman na maging hepe ng PNP eh si Gen. Archie Gamboa, na nang mga panahong iyon eh OIC ng PNP dahil nag-leave na si Albayalde nang masangkot naman sa kontrobersiya ng “ninja cops.”

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, bukod kay Gamboa ay kasama niyang inirekomenda kay President Mayor Rodrigo Duterte sa mga pagpipian na susunod na PNP ay sina Eleazar at Camilo Cascolan.

Pero kahit hindi napili si Eleazar, tumaas naman ang posisyon niya sa PNP at napuwesto pa nga sa mga itinuring big posts sa pulisya.

Nang magretiro naman si Gamboa, kasama na naman sa mga inirekomenda ang pangalan ni Eleazar at Cascolan. Pero ang napiling pumalit kay Gamboa, si Cascolan at nanatiling mailap kay Eleazar ang tawag na PNP chief.

Pero dalawang buwan lang sa puwesto si Cascolan dahil inabot ng kaniyang retirement age. Pero hindi pa rin si Eleazar ang napili dahil nasilat siya ng kontrobersiyal niyang “mistah” na si Gen. Debold Sinas, na gumawa ng ingay dahil sa “mañanita” sa kaarawan noong mayroon nang COVID-19 pandemic. At anniversary ng “manita” kahapon.

At sa pagreretiro ni Sinas nitong Mayo 8, sa wakas eh madidinig na ni Eleazar ang pagtawag sa kaniyang PNP chief kahit man lang anim na buwan bago rin ang kaniyang pagreretiro.

Mukhang sinigurado rin ni Sec. Año na makukuha ni Eleazar ang pinakamataas na posisyon dahil wala na raw siyang ibang pangalan na inirekomenda sa Palasyo. Bakit nga naman magrekomenda pa ng iba gayung si Eleazar ang naging acting PNP chief noong magka-COVID si Sinas.

Ang tanong malamang ng marami, gawin kaya ulit ni Eleazar ang mambulaga ng mga police station at manabon ng mga tolonges na pulis sa harap ng media? Pero sa huling pahayag ni Eleazar, mukhang may kalalagyan ang natutulog sa pansitan.

Ang isa pang hamon, ipatupad kaya niya ang direktiba ni President Mayor Digong sa mga pulis na hulihin at ikulong ang mga makikitang utaw na walang suot na face mask o kaya eh mali ang pagsusuot ng face mask? Unahin kaya niya si DOH Sec Doque na nagkalat ang litrato na mali ang pagkakasuot ng face mask? Abangan.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.