Sunday, August 1, 2021
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Matinding laban sa VP

Jul 17, 2021 @ 9:30

Kung ang kurimaw nating mahilig sa politika ang tatanungin, may kutob siyang hindi talaga tatakbong bise presidente sa 2022 eleksiyon si President Mayor Digong Duterte.

Pero aminado siyang mas magiging maganda raw ang laban sa naturang puwesto kapag tinutotoo nito ang plano dahil si Senate President Tito Sotto ang posibleng makaharap niya.

Habang pumapapak ng mani ang kurimaw natin sa pagitan ng pagtungga ng kape dahil walang pambili ng beer, naniniwala ang kurimaw natin na wais ang pangulo at hindi talaga gutom sa kapangyarihan para ambisyonin ang pangalawang pinakamataas na puwesto sa bansa.

Sabagay mga tropapips, ang pangulo na rin ang nagsabi noon na pumapasok sa isipan niya ang tumakbong bise presidente para hindi siya magmukhang “pato” na naghihintay na lang isalang sa kawani, o “lame duck.”

Para kasing si Superman mga tropapips na nadidikit sa kryptonite ang presidente kapag malapit nang matapos ang termino niya. Humihina na kasi ang werpa ng pangulo at magsisimula nang magbalimbingan ang mga kaalyado niya.

Kaya kung may mga plano pa siyang gawin sa nalalabing isang taon ng kaniyang administrasyon, baka hindi na siya suportahan ng mga opisyales niya lalo na kung kontrobersiyal ang plano. Pero kung mayroon posibilidad na “makabalik” siya sa puwesto gaya ng pagiging bise presidente, aba’y magdadalawang-isip ng mga tauhan niyang kumalas o bumalimbing.

Ang kaso, may tama rin ang kurimaw natin sa senaryong nakikita niya kung sakaling tumakbo namang presidente ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte–dalawang Duterte na kandidato sa national position?

Ang iniisip ng ating kurimaw, kahit nasubukan na ang Duterte-Duterte bilang mayor at vice mayor ng Davao City, uubra raw kaya ito sa national position na presidente at bise presidente? Handa nga kaya ang mga botanteng Pinoy sa ganitong kombinasyon na mamumuno sa bansa?

Ang magkapatid na JV Ejercito at Jinggoy Estrada mga tropapips na sabay na tumakbong senador na national position noong 2019 election, parehong natalo.

Ang hinala ng ilang “political salsanalists”, hindi pa handa ang mga Pinoy na bumoto nang sabay sa isang magkamag-anak sa pambansang posisyon. Ang malas nga lang ng magkapatid na JV at Jinggoy dahil tila nahati ang boto nila kaya walang nakalusot sa Senado.

Kaya ang tanong ng kurimaw natin: maging mabait kaya ang mga botante na boboto ng Duterte sa presidente at Duterte sa bise presidente; o isang Duterte lang bilang presidente o kaya eh bise presidente; o mainis sila na walang ibobotong Dutete?

Kung sakaling tumakbo naman si President Mayor Digong na bise presidente, tiyak na uulanin siya ng petisyon sa Comelec [at baka umabot pa sa Korte Suprema] para kuwestiyunin ang legalidad kung puwede bang tumakbong bise presidente ang papaalis na pangulo?

Sa ilalim kasi ng Saligang Batas, isang beses lang o isang termino lang ang presidente. Ngunit kahit ibang posisyon ang bise presidente, ang naturang posisyon naman ang “next in line” at papalit sa pangulo kapag nagbitiw o hindi na kayang gampanan ng nakaupong pangulo ang kaniyang tungkulin–in short, puwede uling maging pangulo si President Mayor Digong kung manalo siyang bise presidente.

At kapag may problemang legal o kuwestiyon na nakapatong sa isang kandidato, malamang na magiging mahirap ang kaniyang kampanya gaya nang ginawa kina Senador Grace Poe at sa tatay niyang si Fernando Poe Jr., na kinuwestiyon ang kanilang citizenship o nationality, nang tumakbo silang pangulo sa magkaibang eleksiyon. Ang resulta, nakaapekto iyon sa kanilang kandidatura kaya sila natalo.

Sa ngayon mga tropapips, tanging si Senate President Tito Sotto pa lang ang lumilitaw na halos siguradong tatakbong bise presidente at posibleng maging kandidatong pangulo naman niya si Senador Ping Lacson, o Ping-Tito.

Kung tutuloy sa pagka-VP si Tito Sen, kailangang paghandaan ni President Mayor Digong, ang werpa ng Tito, Vic and Joey, at mga dabarkads na mula Batanes hanggang Jolo.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.