Friday, January 24, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Masagana ang Pasko ni opisyal

Jan 8, 2020 @ 11:35
Sabi sa isang survey, 48 porsiyento ng mga Pinoy ang umaasang magiging masagana ang kanilang darating na Pasko. At mukhang kasama nila sa paniniwala itong isang opisyal sa gobyerno dahil sa dami ng kuwarta na kaniyang ipinapamudmod.
Bulong ng isa nating kurimaw na atat nang matapos ang Pasko dahil hikahos, happy ang mga kasamahan ni opisyal dahil sa napakalaking “bonus” na ipinamimigay nito. Bossing kasi si opisyal ng isang makapangyarihang sangay ng gobyerno at napakarami niyang “tauhan” na dapat pasayahin ngayong Pasko.
Sa laki nga raw ng “bonus” na pinakawalan ni opisyal, aba’y tinalo pa niya ang ipinamigay na bonus ng dating namuno sa naturang sangay. Pero ang malaking tanong, saan kaya kinuha ni opisyal ang pondo na ipinamigay niya? Mula raw kaya sa mga nasubing pondo dahil sobra daw itong nagtipid sa gastos ng kaniyang sangay? O baka raw galing sa “kupit” ng isang malaking proyekto na kaniya ring hinawakan?
Sabagay, hindi nakapagtataka kung magpamudmod ng pera sa kaniyang mga kasamahan ang opisyal. Baka kasi sa susunod na taon eh may mag-interes sa puwesto niya at bigla siyang masibak. Mabuti na nga naman na ngayon palang eh mabili, este naligawan na niya ang katapatan ng kaniyang mga kasamahan.
Malamang kung may magkainteres man sa puwesto ni opisyal, sasabihin lang niya sa mga tauhan niya na ipagtanggol siya para manatili at hindi siya maaalis at maging happy pa rin sila sa 2020 Christmas. Ang magiging problema niya lang, baka malaman ni President Mayor Digong Duterte ang kaniyang ginagawang pagwaldas sa pondo ng sangay niya at mapaaga ang pagsibak sa kaniya sa puwesto
Sa dami ng isyu at alegasyon sa opisyal na ito, dapat siguro eh kasama na siya sa mga dapat imbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC). Pagkatapos ay ipadala sa Palasyo ang magiging resulta para malaman ng pangulo ang tunay na pagkatao ng kaniyang “pinagkakatiwalaang” opisyal.
Samantala, hindi sana ma-hopia ang marami nating kababayan na umaasa at naniniwala na magiging mas masaya ang Pasko nila ngayong taon kumpara noong 2018. Kung tutuusin, halos magkapareho lang naman ang puntos sa pangkalahatang bansa tungkol sa mga umaasang magiging masagana ang darating na Pasko.
Ngayong taon, 48 porsiyento ng mga natanong o na-survey ang naniniwalang mas masagawa ang Pasko, habang 49 porsiyento naman noong nakaraang taon. Ang kapansin-pansin, mas dumami ang nagsabing mas magiging hikahos sila sa darating na Pasko na 11 porsiyento, kumpara sa walo lang noong nakaraang taon.
Pinakamarami sa hanay ng Pinoy na naniniwalang mas mahirap ang Pasko nila ngayon ay mula sa hanay ng mga pinakamahihirap, o class E. Mula sa 10 porsiyento noong 2018, nadagdagan ito sa 19 porsiyento ngayong taon. Ibig sabihin, ang mga mahihirap, naniniwalang mas hihirap pa ang buhay nila.
Ang mga nakaririwasa naman o nasa Class ABC, ang naniniwala na mas magiging masagana ang Pasko nila sa bilang na 68 porsiyente. Mas mataas ito ng tatlong porsiyento kumpara noong nakaraang taon. Hindi na siguro ito nakapagtataka mga tsong kung ang pagbabatayan eh ang sangkatutak na tao sa mga mall, at mga sasakyan sa kalye ngayong magpapasko.
Mula naman sa Mindanao ang pinakamaraming naniniwala sa masaganang Pasko na 57 porsiyento, habang sa Balance of Luzon ang pinakamaraming nagsabing mas magiging mahirap ang Pasko nila.
Gayunman, dahil mas marami ang nakaririwasa sa buhay, sana lang eh magkaroon ng paraan para maambunan nila ng grasya ang mga hikahos. Hindi ba’t may kasabihan tuwing Pasko na “its better to give than to receive.” Kaya ang mga nakaka-L.L. o nakakaluwag-luwag gaya ni opisyal, aba’y magbigay na kayo kaunting pampangiti aa mga kababayang G na G o gipit na gipit.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
 (Twitter: follow@dspyrey)
Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.