Saturday, August 15, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: ‘Lockdown’ babies

Jul 18, 2020 @ 7:56

Kung tama sa siyam na buwan ang pagbubuntis, posibleng pagsapit ng Enero sa susunod na taon mga tropapips eh isisilang na ang mga tinatawag na “lockdown” babies. May magpapangalan kaya sa anak nila na Lockdown, Covid, Ahyuda o Ayudah, Ameliaracion, Quarantina o Quarantino?

Habang isinusulat natin ito mga tropapips, mahigit 12 milyon na sa buong mundo ang tinamaan na ng made in China virus na COVID-19. Sa naturang bilang, mahigit kalahating milyon na ang namatay. Dito sa atin sa Pilipinas, malapit nang sumampa sa 60,000 ang COVID-19 positive cases at mahigit 1,300 na ang nasawi.

Pero hindi lang mga nasawi sa COVID-19 ang namaalam sa mundo sa panahon na ito ng pandemya. Ang iba eh namatay dahil sa iba pang kadahilan na maiiugnay pa rin sa buwisit na pandemya tulad ng iba pang sakit na napabayaan dahil hindi nakapagpatingin sa ospital ang pasyente dala ng takot na mahawahan ng virus o kaya naman eh walang masakyan o perang panggatos.

May mga pinanghinaan din ng loob at hindi na kinaya ang pagsubok at winakasan ang sarili nilang buhay. Kaya bukod sa pagiging matalas ang makiramandaman natin kapag lumalabas ng bahay para hindi mahawa ng virus, mahalagang pakiramdaman din natin mga tropapips ang mga kasama natin sa bahay o mga kaibigan at iba pang mga mahal sa buhay na baka kailangan nila ng makakausap o propesyunal na tulong.

Pero kung may mga nawala, mas marami naman ang tiyak na papalit dahil inaasahan ang “baby” boom dulot ng lockdown. Mantakin mo naman na ilang buwan na magkasama sa iisang bubong ang mag-irog at kapag nagkatitigan nang malagkit lalo na’t bagong paligo ang babae, iyon na.

Ang United Nation Population Fund, tinataya na posibleng umabot sa pitong milyon ang maging unintended pregnancies o hindi inaasahang pagbubuntis sa panahon ng lockdown. Bukod sa siyempre walang magawa sa bahay kapag lockdown, naging problema rin ang pamamahagi umano ng mga modern contraceptives.

Dito sa atin sa Pilipinas mga tropapips, tinataya ng Commission on Population and Development na nasa dalawang milyon na sanggol ang isisilang ngayon taon at mahigit 200,000 umano ang unplanned pregnancies.
Ang pagkakatengga rin ng programa sa pamamahagi ng contraceptives dahil sa lockdown ang nakikita nilang dahilan kaya marami ang matetesbun nang ‘di inaasahan.

Kung tutuusin, kahit nga ang mga artista eh kabi-kabila rin ang anunsyo ng pagbubuntis.
May isa ngang aktres na inakala ng marami na single at commited sa sarili pero biglang nag-anunsyo na buntis. Dapat yata noong panahon ng lockdown eh hindi lang mga essentials tulad ng chibog, alcohol at face mask ang inialok ng mga nagdedeliber, pati sana condom—yung ultra thin at glow in the dark.

Batay daw sa pag-aaral na ginawa ng University of the Philippines Population Institute at UNFPA, 10 porsiyento ng mga hindi inaasahang pagbubuntis eh manggagaling sa mga babae na edad 20 pababa—ika nga, kainitan ang edad.

Ang mahirap lang nito mga tropapips eh kung galing sa pamilyang hikahos ang mga sanggol na isisilang, o kaya naman eh bukod sa hikahos ay teenager pa ang mga magulang, baka lalo silang mabaon sa hirap, at hindi mapuputol ang ika nga eh cicle of poverty sa kanilang pamilya.

Ngunit kung ano man ang maging pagsubok sa buhay na kakaharapin ng mga magulang dahil sa hindi inaasahang na madadagdagan ang kanilang pamilya, sana ay ituloy nila at huwag ipalaglag o iabandona ang baby dahil laging tatandaan na “biyaya” ang mga anak, lalo na sa panahon ng pandemic.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.