Wednesday, October 23, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Lamok din kaya ang sagot sa dengue?

Oct 6, 2019 @ 18:04

Malaking perwisyo na ang ginagawa ng mga batik-batik na lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus na silang nagdadala ng nakamamatay na dengue virus sa mga kawawang tao na kanilang makakagat. At sa kabila ng kung anu-anong payo na pangontra laban sa dengue, posible nga kaya na ang tatapos sa problemang ito eh lamok din?

Bago nating pag-usapan ang lamok, bigyan-daan natin ang himutok ng isa nating kurimaw na kabilang sa napakaraming kababayan natin na naperwisyo naman ng transport strike. Pero hindi gaya ng dati na abot-langit ang inis ng ating kurimaw sa mga nagwelgang tsuper, kahit papaano ay may bahagyang simpatiya na ipinaramdam ang aking kurimaw sa mga nagwelga.

Paliwanag niya, kung tutuusin daw ay talagang may ipinaglalaban sa pagkakataong ito ang mga tsuper dahil kabuhayan nila ang posibleng mawala dahil sa isinusulong na programang modernisasyon ng jeep. Para kasi sa katulad daw niyang karaniwang manggagawa na sapat lang sa araw-araw na gastusin ang kinikita, aba’y nakakalula raw ang mahigit P2 milyong halaga ng modernong jeep.

Kahit pa sabihin na idadaan sa kooperatiba at ipangungutang ang mga bibilhing jeep, ang ending pa rin nito ay ang mga tsuper pa rin ang magbabayad. Papaano ang mga tsuper na sila mismo ang may-ari ng jeep na kanilang ipinapasada? Basta na lang ba sila patitigiling maghanap-buhay? Aba’y sa P2 milyon, makakabili ka na ng dalawang sasakyan na tig-P1 milyon at puwede mo nang gamitin sa Grab.

Bukod sa mabigat sa bulsa ang hulugang modernong jeep, aba’y parang mini bus ang laki nito kaya goodluck sa mga maliliit na kalyeng papasadahan nila, at tiyak na dagdag-pasikip sila sa lansangan.

Balik na tayo sa lamok, patuloy na dumadami nga ang mga nabibiktima ng dengue at wala silang pinipili—mayaman man o mahirap, bata man o matanda. Kaya naman kung ano-ano na ang ipinapayo ng mga opisyal upang makaiwas sa dengue at kung ano-ano nang hayop [tulad ng palaka at isda] ang ipinakakalat sa mga kanal at mga matutubig na lugar na maaaring pamahayan ng lamok.

Pero nabalitaan na ba ninyo ang tungkol sa ginagawang eksperimento ng World Mosquito Program na tinatawag nilang “Wolbachia method?” Ang ginawa nila, kumuha sila ng bacteria na Wolbachia na sinasabing hindi nakasasama sa tao. Inilagay nila ito sa lamok, at pinakawalan naman sa lamok na may dengue virus para mag-loving-loving. Ang magiging ilog ng dalawa ay magkakaroon na ng Wolbachia at hindi na gagana ang dengue. Ang target na ending, mabubura na sa paligid ang mga lamok na may dengue.

Sinasabing ipinatupad ang taktikang ito sa Townsville, Queensland sa Australia at naging matagumpay. At ayon sa isang ulat, sinusubukan na rin ito sa Indonesia, Vietnam, Columbia at ang pinakahuli ay sa Brazil. Ang tanong, alam kaya ito ng mga opisyal natin at ano ang kanilang plano? May balak kaya silang subukan ito dito sa atin sa Pilipinas?

Hindi pa natin batid kung magkano ang halaga kapag ginamit ang Wolbachia method. At hindi natin alam kung may masamang epekto ito kapag hindi nagtagumpay. Hindi kaya lalong mag-mutate at mas maging matindi ang virus na malilikha ng kombinasyon ng dalawang lamok?

Pero batay sa mga nabasa nating ulat, wala naman negatibo balita na palpak ang programa. Hindi tulad ng dengvaxia vacine na naiturok na sa mga bata bago naglabas ng babala ang Sanofi,a ng gumawa ng bakuna tungkol sa peligrong maaaring idulot sa mga batang hindi pa nagkaka-dengue.

Pero kung handang gumastos ang pamahalaan ng bilyong-bilyon piso sa bakuna gaya ng dengvaxia, bakit hindi subukan ang Wolbachia method dito sa Pilipinas, at gawin sa isang kontroladong lugar [tulad ng hardin na naka-net at nasa loob pa ng bodega] para siguradong hindi makakalabas ang mga lamok.

Kapag tiyak na tagumpay na mailalagay ang Wolbachia sa lamok na may dengue, sunod namang subukan ang eksperimento sa isang maliit na barangay na may mataas na dengue cases at alamin kung bababa o mawawala ang sakit. Sa laki ng problema, laki ng gastos sa pagpapagamot at laki peligrong mamatay sa dengue, dapat lang sigurong ikonsidera ng pamahalaan ang lahat ng paraan na puwedeng makalutas sa dengue—lalo na ang ito ang totoong lunas.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.