Wednesday, September 23, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Lagot ang Meralco franchise sa 2028?

Sep 5, 2020 @ 8:32

Kung mahimbing pa rin ang tulog ng mga opisyal ng Meralco sa reklamo ng mga kostumer nila sa “bill shock” lalo na noong Mayo, aba’y dapat magsilbing malamig na tubig na panggising mga tropapips sa kanila ang babala ng isang senador tungkol sa kanilang prangkisa.

Nakita naman siguro ng mga taga-Meralco ang nangyari sa prangkisa ng ABS-CBN na tinuluyan ng mga kongresista na hindi na ma-renew dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa mga itinatakda sa kanilang prangkisa.

Ang matindi nito mga tropapips, ilan sa mga inirereklamo laban sa naturang TV network ay mga “isyu” na matagal nang nangyari at ang iba ay noong pang mga nagdaang administrasyon. Nakakalungkot nga lang dahil napakaraming manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pagkawala ng prangkisa ng network.

At babala nga nitong si Senador Sherwin Gatchalian, aba’y puwedeng danasin ng Meralco ang nangyari sa prangkisa ng ABS-CBN. Kailan ba matatapos ang pinakahuling prangkisa na nakuha ng Meralco? Aba’y malapit-lapit na mga tropapips…sa 2028.

Simple lang naman ang babala ni Gatchalian, na chairman ng Senate energy committee, magiging masamang record para sa Meralco ang napakaraming reklamo ng mga tao sa kanilang singil lalo na sa panahon ng pandemiya, partikular sa unang tatlong buwan ng pag-iral ng enhanced community quarantine.

Ang isa nga nating katropa na nagreklamo dahil sa natanggap niyang May billing na mahigit doble sa “karaniwang” pinakamataas na billing na kaniyang natanggap sa buong buhay niya, aba’y nadagdagan pa raw ang singil ang humingi siya ng paliwanag.

Ang tanong ng katropa natin sa natanggap niyang billing para sa Mayo; nang unang lumabas ang “bill shock,” Meralco na ang nagsabi na base sa “assumption” [hula] ang pag-compute nila dahil walang nag-meter reading dahil ECQ. At naging mas mataas nga raw ang singil dahil sa tinatawag nilang “full impact(o)” kuno ng summer at stay at home kaya mas malakas ang konsumo ng kuryente.

Pero matapos na mabugbog ng mga reklamo ang Meralco at utusan sila ng Energy Regulatory Commission na muling magpadala at ipaliwanag ang bill shock, aba’y ganun pa rin ang sinisingil ng Meralco sa ating katropa. Ang naiba lang eh, sinabing “base na raw sa meter reading” ang singil. Ang tanong niya, paano nangyari ‘yon at bakit hindi man lang nagbago ang singil ng kahit isang sentimo?

Ngayon sa pinakahuling sulat daw na natanggap ng ating ka-tropa, aba’y lumitaw na nagdagdag pa siya ng bayad na halos P300 dahil daw sa “adjustment” na ginawa. Wala naman magawa ang ating katropa dahil sa “monopolyo” ng Meralco ang power distribution sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Hirit ng katropa natin, posibleng nangyari din sa iba ang nangyari sa kaniya, at baka may mas matindi pa nga. Iyon nga lang, wala rin silang magawa. Mahirap yatang mangapa sa dilim ngayon lalo na’t work from home at online schooling ang marami sa mga kababayan natin.

Dapat yatang ipaliwanag nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli sa mga tao kung ano ang ibig sabihin ng IMPORTANT NOTICE sa August billing ng Meralco na, “Your total March/April to May 2020 Kwh consumption based on ACTUAL METER READING was prorated.” Aba’y papaano kaya sila nakapag-actual meter reading gayung nagdaan na ang naturang mga buwan?

Sabagay, kung si Gatchalian nga na hindi rin ma-gets ang paliwanag ng billing ng Meralco at tila may “after bill shock” effect pa, papaano pa kaya ang mga karaniwang tao, gaya ng katropa natin.

Basta ang mahalaga ngayon, huwag palulusutin ang Meralco sa P19 million penalty laban sa kanila at dapat sigurong taasan pa. Dapat ding ilista ang mga “atraso” ng Meralco at ilabas ang “resibo” bago mag-2028 kapag isinalang na ang kanilang prangkisa para magkasingilan. Iyon lang eh kung hindi mababahag ang buntot ng ibang mambabatas na baka takot din mapatayan ni Manny Pangilinan ng “ilaw.”

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.