Wednesday, September 23, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Kapag sikat, mabilis ang PLDT?

Sep 12, 2020 @ 8:22

Hindi maiwasan mainis na may kasama na rin sigurong “inggit” mga tropapips ang naramdaman ng mga taong konsumidong-konsumido na sa serbisyo ng PLDT [partikular sa internet service] nang mabasa nila ang tweet ng artistang si Liza Soberano.

Pero bago ‘yan mga tropapips, talaga namang gumawa ng malaking ingay itong proyekto ng Department of Environment and Natural Resources na gawing “white beach” ang isang bahagi ng Manila bay.

Sinasabing P389-milyon daw ang proyekto at may mga natatakot na baka makasama raw sa kapaligiran at kalusugan ng tao ang itatambak doon na dinurog na “dolomite” rocks. Natural na itatanggi ito ng DENR, habang pagpipilitan naman ng mga kritiko ang puna nila siyempre.

Ngunit maliban sa isyu ng kalusugan, malaking katanungan din kung tatagal ba ang pagiging “white beach” ng bahagi sa Manila Bay na pinapaganda. Kasi nga naman, kung hindi naging matindi ang pag-aaral sa paglalagay o pagtatambak ng mga puting buhangin [o dinurog na bato], baka ang mangyari eh tangayin din iyon ng agos o kaya naman ay matambakan din ng mga basura kapag nagkaroon ng malakas na ulan.

Sa totoo lang, hindi naman dapat tutulan ang proyekto kung talagang epektib at tiyak na pangmatagal kung hindi man permanente. Kahit nga si Yorme Isko Moreno eh nagpahayag ng pagsuporta sa naturang proyekto basta walang panganib na idudulot sa kapaligiran at mga tao.

Aba’y minsan na rin naman nating nasabi sa pitak natin na magandang magkaroon ng beach sa Manila Bay dahil noon mga unang panahon eh napapaliguan naman talaga ang lugar na iyan. Kaya nga lang, dahil sa maraming ungas na tao at mga negosyong makasarili na nagtatapon kemikal at basura sa mga ilog na dumadaloy sa Manila Bay, unti-unting namatay ang lugar.

Kung tama ba ang pondong inilaan sa proyekto, bahala na ang mga nasa katungkulan para tiyaking walang anomalya diyan. Kung may peligro ba sa kalusugan ng tao at kapaligiran ang proyekto, aba’y dapat
din na alamin yan.

Ngunit ang mahalaga, dapat magawang malinis ang Manila Bay at mas maganda kung malalagyan ang lugar ng mga bakawan. Pero pagdating ng panahon mga tropapips at nagkaroon ng malakas na ulan, malalaman natin kung matibay ang proyekto.

Kung hindi naman epekto ang proyekto at nawala ang mga puting “buhangin,” aba’y kantahin natin ang “Kastilyong Buhangin,” na nagsasabing “sakdal-rupok at huwag ‘di masaling, guguho sa ihip ng hangin” at saka “kapag dalampasiga’y nahagkan, ang kastilyo ay nabubuwal.”

Pag-usapan na natin ang PLDT. Malamang na maraming kostumer ng telecom na ito ang nabanas at nainggit sa tweet ni Liza Soberano na nagsabing pinuntahan siya ng PLDT at kinabitan ng super bilis na internet connection.
Tinawag niyang “lifesaver” ang ginawa ng PLDT at may hirit pa siyang; “Lag? I don’t know her.” Patungkol niya sa pagbagal ng connection.

Sabi ng isa nating kurimaw na ang anak ay umiyak nang hindi makapasok sa online class dahil nawala ang internet signal ng PLDT sa kanilang bahay, napaka-insensitive daw ni Liza kung ipinagyayabang niya ang ginawa sa kaniya ng PLDT.

Para naman sa PLDT, sinabi ng kurimaw natin na ipinakita ng kompanya ni Manny Pangilinan ang “diskriminasyon” sa mga karaniwan nilang kostumer na “nagmamakaawa” na ayusin ang kanilang internet connection.

Kung sabagay mga tropapips, marami talaga tayong nababasa sa comment section sa mga Facebook page ng PLDT na mga reklamo ng kostumer tungkol sa matagal na pag-ayos sa kanilang internet. Napakahalaga pa naman nito ngayon dahil marami ang work from home at online class.

Pero ‘wag kayong mag-aalala mga tropapips, kung nagbibingi-bingihan man ang PLDT sa inyong mga hinaing dahil hindi kayo sikat, laging tandaan na may “karma” at digital na ngayon.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.