Wednesday, November 20, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Japeks na passport ni beauty queen

Oct 26, 2019 @ 9:07
Nakakaawa at nakababahala ang nangyari sa isang Pinay beauty queen na sasabak sa isang international pageant na napaulat na pinigil at nadetine sa airport ng Paris, France dahil sa peke raw ang kaniyang passport. Ang tanong, papaano siya nakalusot at nakaalis ng Pilipinas?
Pero bago natin pag-usapan si beauty queen, isa na namang nirerespetong political figure mga tsong ang nagpaalam na sa mundo sa edad na 86—ang dating Senate President na kailanman ay hindi tumanda dahil sa kaniyang pangalan, si Nene Pimentel.
Kahit palayaw na pambatang babae ang ibinigay sa kaniya, lalaking-lalaki naman si Nene sa tapang. Halos 50 taon din naglingkod sa bayan at humawak ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno ang senador, na tubong Cagayan de Oro.
Lumaban at nakulong sa diktaturyang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., at nang maupo sa Malacanang si Pangulong Cory Aquino noong 1986, itinalaga siyang local government secretary at kinalaunan ay nanalong senador.
Isa sa mga iniwan niyang legacy ika ay ang Local Government Code, at isa sa mga nagsusulong ng federalismo. Malamang na malaking welcome party ang ibibigay sa kaniya ng mga namayapa na rin mambabatas tulad nina Joker Arroyo, Ed Angara, Raul Roco, Ernesto Maceda, Jovito Salonga, at Miriam Defensor Santiago.
Pag-usapan na natin ang pekeng passport. Ang tinutukoy nating beauty queen ay itong si Samantha Lo, na kandidata ng Pilipinas sa Grand International 2019, na gaganapin sa Caracas, Venezuela. Habang papunta sa nabanggit na bansa, naharang siya mga immigration personnel sa Paris, France, dahil daw sa natuklasang tampered ang kaniyang pasaporte.
Dahil doon, pinigil at kinuwestiyon siya ng mga awtoridad doon, hanggang sa ipadeport pabalik sa Pilipinas. Pagkaraan ng ilang araw, nakaalis naman muli si Lo at nakarating na sa Caracas para sa coronation night ngayon linggo. Pero kahit nagawa niyang makahabol sa kompetisyon, hindi dapat matigil ang imbestigasyon sa kaniyang pasaporte na sinasabing peke raw.
Sabi sa pahayag ng Binibining Pilipinas Charities, Inc., inamin daw ng mga magulang ni Lo sa pakikipagpulong nila sa Department of Foreign Affairs na nakuha raw ng beauty queen ang naturang passport sa pamamagitan umano ng “fixer.” Tanong ng ating konteserang kurimaw, kailan kaya nakuha ni Lo ang kaniyang passport?
Kung ngayon kasi, kapag tinignan mo ang online passport appointment ng DFA, hindi na masikip ang schedule. Malayong-malayo sa panahon ni dating DFA secretary Alan Cayetano, na kabi-kabila ang reklamo na madaling maubos ang slot sa appointment kaya pahirapan ang pagkuha ng passport kaya naglipana noon ang mga fixer.
Pero bukod sa isyu ng umano’y fixer, malaking katanungan din kung papaano nakalusot sa immigration ng Pilipinas ang passport ni Lo bago siya nakabiyahe papuntang Paris, going Venezuela. Ibig bang sabihin eh hindi iyon napansin ng BI personnel natin o hindi sila sanay sumuri ng tunay at pekeng passport? O naging kampante lang talaga sila at natangay sa ganda ng beauty queen?
Kung ordinaryong tao kaya o OFW ang may bitbit ng katulad ng passport ni Lo, makakalabas din kaya siya ng Pilipinas? Aba’y kung nakalabas man ang pobreng OFW, baka mas kawawa siya kapag natimbog ng immigration personnel sa bansang pupuntahan niya tulad sa Middle East.
Baka hindi lang katakot-takot na tanong ang abutin niya, baka makulong pa siya. Kaya dapat malaman ng mga awtoridad kung saan at papaano nakuha ni Lo ang passport niya.
Sa kaso ni Lo na isang beauty queen na “bitbit” ang bandila ng Pilipinas, siyempre hindi siya pababayaan ng Bb. Pilipinas Charities at ng DFA, kaya ayun nakauwi siya.
Baka nga makabuti pa kay Lo ang insidente dahil tiyak na nakagawa ng ingay sa Venezuela ang nangyari sa kaniya. Bukod doon, magagamit din niyang advocacy at maging boses ng mga taong lumalabas ng kani-kanilang bansa na puwedeng maranasan ang nangyari sa kaniya—lalo na ang mga OFW.
 Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
 (Twitter: follow@dspyrey)
Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.