Sunday, May 24, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Iwas-Heat stroke sa tao at aso

May 18, 2020 @ 7:30

Pakaingat tayo ngayon mga tropapips dahil sobrang init na ng panahon, na tiyak na lalo pang magpapanit ng ulo ng mga kababayan nating hindi pa nakakakuha ng ayuda. Pero kapag sobrang init, peligroso na sa heat stroke, hindi lang ang mga tao kung hindi pati ang mga alagang aso.

Kamakailan lang, pumanaw ang isa sa mga miyembro ng sikat noon na all-male singing group na Hagibis–si Sonny Parsons. Para sa mga hindi nakakaalam, bago pa man tilian ng mga bebot at beki ang The Hunk at Maskulados, nauna sa kanila ang Hagibis, na ang isa sa mga hit song eh ang “Katawan.”

Atake sa puso sa edad na 61 ang dahilan umano ng pagpanaw ni Sonny, na naging artista rin at dating konsehal ng Marikina. Hinihinala ng mga kaanak niya na ang matinding init ng panahon ang posibleng naging dahilan para atakihin sa puso ang dating mang-aawit.

Kagagaling lang daw nito sa pagmomotor at posibleng tinamaan ng heat stroke na nauwi sa heart attack. Sa isang lumabas na ulat, mayroon na raw daw kasing kondisyon sa puso si Sonny.

Pero bago pa man ang kaso ni Sonny, may ilan na ring tayong mga kawawang kababayan na umaasa sa ayuda ang nagtitiis na pumila sa ilalim ng init ng araw ang iniulat na nasawi at nawalan ng malay, na hinapaniwalaan ding na-heat stroke. At dahil nasa kalagitnaan pa lang tayo ng Mayo, sinasabi ng PAGASA na posibleng tumindi pa ang init ng panahon.

Sabi sa mga abiso ng Department of Health, ilan sa mga sintomas na posibleng tinatamaan ka na ng heat stroke ay pamumula ng balat, pagkahilo, pananakit ng ulo, siyempre mainit na pakiramdam, mabilis na tibok ng puso, nahihirapang huminga, nanghihina, at pagkawala ng malay.

Itinuring na “emergency situation” ang heat stroke kaya dapat mabigyan agad ng paunang lunas ang tinamaan nito habang hindi pa nadadala sa ospital. Ano ang mga puwedeng gawin? Siyempre, dalhin sa malamig o malilim na lugar ang pasyente, ihiga siya na NAKATAAS ang binti at paa, painumin ng tubig kung kaya, punasan ng basang tuwalya ang katawan, o kaya ay lagyan ng yelo ng tuwalya at punasan ang kaniyang kilikili, braso, paa, at singit. At kung may sasakyan na, isugod na siya sa ospital.

Pero hindi lang tao mga tropapips ang peligroso sa heat stroke kung hindi maging ang mga hayop, lalo na ang paborito nating mga aso. Ang mga aso kasi, walang sweat glands kaya hindi pinagpapawisan at hindi nila nailalabas ang init ng kanilang katawan. Tanging sa ilong lang daw at paw pads na walang balahibo sila pinagpapawisan.

Sabi ng mga veterinarian na nakausap ng mga kurimaw nating may alagang pusa, mas madaling mainitan ng katawan ang mga malalaki at matatabang aso. May nagsasabi rin na mas initin daw ang katawan ng mga aso na itim, at makakapal o siksik ang balahibo tulad ng mga Labrador.

At gaya ng tao, may sintomas din o palatandaan na baka na-heat stroke na ang inyong alaga. Kabilang sa mga sintomas na ito ay ang malakas na hingal ng aso, naglalaway, walang ganang kumain, matamlay, padapa ang higa at kung minsan ay nagdudugo ang ilong.

Kabilang naman daw sa paunang lunas sa aso bago dalhin sa duktor eh palamigin at bigyan muna ng ginhawa ang aso sa pamamagitan ng pagpunas sa katawan niya ng basang bimbo, pahanginan, painumin ng tubig kung kaya, o dampian ng malamit ang kaniyang talampakan o paws tulad ng yelo o alcohol.

Siyempre para maiwasan ang heat stroke, iwasan na muna magbabad sa init ng araw at laging magdala ng maiinom na tubig. Ang mga alagang aso naman, pagupitan na muna at kung maaari eh hayaan na muna sa loob ng bahay o ipuwesto sa mga lugar na hindi direktang sapul ng init ng araw. Sana lang ay magkaroon ng magandang pakinabang ang init ng panahon; hindi lang sa pagpapatuyo ng labada kung hindi maging sa pagpatay sa made in China virus na COVID-19.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.