Monday, March 25, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Isa pang online ‘mamaw’

Mar 2, 2019 @ 8:14

Dumadami ang mga nakatatakot na parang “mamaw” na naglilipana sa internet na peligroso sa mga bata kaya dapat maging alerto ang mga magulang, pati na siguro ang mga guro.

Pero bago ‘yan, hindi mapigilan ng ating kurimaw na mahilig sa conspiracy theory na hindi punahin ang nangyaring pagtumba ng mga salaring nakamotorsiklo sa dalawang lalaki na unang nadakip ng mga pulis at kinalaunan ay umaming mga “tumbador” o hired killer sa Maynila.

Isang araw lang kasi matapos mahuli ang dalawa at magbigay ng pahayag sa media tungkol sa kanilang gawain, aba’y inambush sila at napatay sa loob mismo ng police mobile matapos silang ma-inquest o kasuhan. Bagaman pinatay ang dalawa, hindi naman ginalaw ng mga salarin ang dalawang pulis na “escort” nila.

Sa lumabas na video na nakunan ang ambush, marami ang nakapansin na tila bumagal ang takbo ng mobile bago sila harangin nang nasa tatlo o apat na motorikslo na may tig-dalawang sakay, o nasa anim hanggang walong salarin. Tanong ng ating kurimaw, hindi ba itinuring ng mga pulis-Maynila na “high-risk” suspects ang dalawa kaya dalawa lang ang pulis na kasama nila? Bakit napatay na naman ang mga suspek habang nasa kostudiya ng pulis?

Hanggang saan nga kaya ang impormasyon na nakuha ng mga pulis sa dalawa tungkol sa operasyon ng kinabibilangan nilang gun for hire group? Hindi natin masisisi kung may mga magduda sa nangyaring ambush pero ang malinaw, “pinatahimik” ang dalawa para hindi siguro makapagsalita. Ang tanong…sino?

Samantala, mainit sa social media at maging sa mga balita [kahit sa ibang bansa] ang tungkol sa nakakabagabag na “challenge” sa social media na nagsimula raw sa isang messaging service, at kinalanunan ay nakikita na rin daw sa Youtube, na maaaring magpahamak sa mga bata.

Medyo sensitibo ang paksa kaya nagiging maingat tayo kung papaano natin ito pag-uusapan para maprotektahan ang mga “curious” na bata, at ang mga nakatatanda na lang at mga magulang ang ating mabigyan ng babala. Pero siguro naman eh alam n’yo na rin kung ano itong ating pinag-uusapan dahil lumabas na ito sa ilang balita o nabasa sa social media feed.

Tungkol ito sa “challenge” na may kasamang pangit o nakakalilabot na imahe, na alanganing bangkay o bungo na may malaking mata. Ang layunin ng “challenge” eh hikayatin ang mga bata na manakit ng iba o saktan ang mismong sarili nila. Siguro eh napakalungkot ng buhay ng kulokoy na nakaisip ng challege na ito at gustong mangdamay ng iba.

Dito sa Pilipinas, may ilang magulang na naniniwala na may kinalaman ang naturang ‘di kaiga-igayang “challenge” sa sinapit ng kanilang anak. Kahit sa ibang bansa, may ganito na ring insidente at nagbibigay ng babala sa mga magulang na subaybayang mabuti ang kanilang mga anak na gumagamit at babad sa internet.

Sa ngayon, nag-iimbestiga na rin ang mga awtoridad pero aminado sila na wala pang paraan kung papaano matatanggal o maiba-block dito sa Pilipinas ang naturang kalokohan para maprotektahan ang mga bata. At dahil may mga bata na pumapasok sa paaralan, dapat din sigurong maging aware ang mga guro sa isyung ito para masubaybayan din nila ang ikinikilos ng kanilang mga estudyante lalo na kung nagiging bayolente sa kapwa nila mag-aaral o kahit sa kanilang sarili.

Ang Youtube, itinangging nagagamit ang kanilang platform sa naturang kalokohan. Bagaman sabi sa ilang ulat, may palabas na pambata na naka-upload sa Youtube at doon isinisingit ng kung sino mang buraot ang hindi kanais-nais na challenge.

Pero para dagdag pag-iingat na rin, mayroon ilang paraan kung papaano malilimitahan o mamomonitor ang pinapanood ng mga bata sa Youtube sa pamamagitan ng mga “settings” o pag-activate ng mga security feature. Dahil mas magaling ang mga bata ngayon sa paggamit ng mga social media platform, magpaturo na lang siguro ang mga magulang kung papaano ito gagawin, o manood ng tips sa Youtube.

Ngunit higit sa lahat, dapat talagang magkaroon ng sapat na oras ang mga magulang para kausapin ang mga anak at lagi silang paalalahanan sa mga peligrong maaari nilang kaharapin sa paggamit ng internet maliban sa pagiging “adik” at paglabo ng mata.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.