Sunday, August 18, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Ipakagat sa aso!

Feb 9, 2019 @ 9:17

May mga kumag talagang tao na gagawin ang lahat para magkapera sa maling paraan at kahit ikapahamak ng iba. Ang pinakabagong kalokohan na nabisto, ang pamemeke ng mga bakuna na pangontra sa rabies.

Pero bago yan, aba’y sumunod naman sana ang mga magulang sa panawagan ni President Mayor Rodrigo Duterte na pabakunahan ang kanilang mga anak ng pangontra sa tigdas at maging sa bulutong. Tandaan po natin na ang Dengvaxia lang na gamot sa dengue ang kinukuwestiyon at hindi kasama rito ang bakuna sa tigdas at bulutong.

Sa nakalipas na mga buwan kasi, tumataas ang bilang ng mga nagkaka-tigdas at bulutong na nagreresulta pa sa pagkasawi ng ilang pasyente. Nakalulungkot nga naman na may mga batang papanaw nang dahil lamang sa maling akala ng mga magulang na delikado rin ang bakuna na para sa mga naturang sakit gaya ng dengvaxia.

Kung tutuusin, kahit ang dengvaxia eh wala pang pinal na resulta tungkol sa masamang epekto sa tao maliban na nga lang doon sa mga hindi pa nagkaka-dengue na hindi dapat turukan nito. Sa Amerika, Indonesia at ipa pang bansa— dengvaxia rin ang ginamit pero walang reklamo dahil walang intrigera at hindi pinulitika ang bakuna.

Balikt tayo sa rabies, mabuti at nabisto na may mga pekeng gamot o bakuna na nakuha ng ilang ospital at naiturok na sa ilang pasyente na nakagat ng aso o ng iba pang hayop. Sabi ng isang opisyal, wala naman daw masamang epekto sa katawan ng tao ang pekeng anti-rabies na bakuna. Iyon nga lang wala raw iyon bisa kontra sa rabies.

Kung tutuusin, nakakabahala pa rin ito dahil ang ibig sabihin, nananatiling buhay ang virus ng rabies kung talagang nadali ng rabies ang isang pasyente. Aba’y dapat malaman ng mga nabakunahan ng pekeng bakuna na peke ang gamot na naiturok sa kanila o sa kanilang anak para mabigyan sila ng “tunay” na gamot—iyon ay kung mayroon ang mga ospital.

Ang nangyayari kasi ngayon mga tsong, mayroong shortage ng anti-rabies vaccine, hindi lang sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo. Dalawa lang daw kasi ang kompanya na gumagawa ng pangontra sa rabies at tumigil na ang isa sa paggawa kaya nagkakaroon ng shortage.

Dito pa naman sa atin sa Pilipinas, naglipana ang mga asong gala at marami ang mga hindi responsableng pet owner. Ngayong may shortage sa anti-rabies vaccine, aba’y dapat paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pag-alis ng mga aso sa kalye na maaaring makakagat sa mga naglalakad. At kung hindi man sila mangagat, manghahabol ng tao; na kung mamalasin ang tumakbong tao eh mabubundol o masasagasaan ng sasakyan.

Hindi lang malinaw kung ang bakuna na para sa tao na pangontra sa rabies eh kapareho rin ng bakuna na ibinibigay sa mga aso para mawala ang rabies virus. Kung walang shortage sa bakuna na para sa aso, dapat sigurong mag-house-to-house ang mga LGU sa pangunguna ng mga barangay para mabakunahan ang mga aso sa kani-kanilang lugar, nasa bahay man o nasa kalye ang aso.

Hindi biro ang mamatay sa rabies dahil masakit at pangit. Mistulang nabubuwang kasi ang taong na-rabies kapag umakyat na sa utak niya ang virus. Bukod doon, ilang araw muna siyang maghihirap bago tuluyang bumigay ang kaniyang katawan.

Ang mahirap pa nito, hindi mo kaagad-agad malalaman kung na-rabies ka dahil hindi pare-pareho kung gaano katagal eepekto sa katawan ng tao ang rabies. Sinasabing kung mas malapit sa ulo ang kagat, mas mabilis ang gapang ng rabies patungo sa utak. Kaya ang laging payo ng mga awtoridad, huwag papatayin ang asong nangagat dahil kailangan itong obserbahan. Kung may rabies ang asong nangagat, malamang na mauna itong matigok sa kaniyang nakagat.

Hindi malinaw kung ilan talaga ang nakakagat ng aso sa Pilipinas sa bawat araw. Pero batay sa isang ulat, nasa 200 hanggang 300 Pinoy ang nakakagat ng aso bawat taon. At malaking bilang nito ang namamatay dahil hindi kaagad nabibigyan ng pangontra sa rabies. Aba’y paano pa kaya ngayon na may shortage sa anti-rabies?

Kaya dapat na hanapin at papanagutin kung sino man ang nasa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng anti-rabies sa Pilipinas. Pero maliban sa pagsasampa ng kaso, magandang ipakagat din sila sa aso at turukan ng pekeng gamot na galing sa kanila. Kung walang rabies ang aso, suwerte nila, pero kung mayroon at hindi tumalab ang gamot nila—case closed.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.