Wednesday, July 15, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Huwag sanang magka-‘George Floyd’ sa Pilipinas

Jun 20, 2020 @ 8:46

Sakit pa rin ng ulo mga tropapips ng ilang estado sa Amerika ang mga protestang sumiklab dahil sa pagkamatay ng isang “itim” na si George Floyd sa kamay ng mga “puting” pulis sa Minnesota. Ang tanong ng marami nating kurimaw, posible rin kaya itong mangyari sa Pilipinas?

Para sa mga hindi pamilyar sa kaso ni Floyd dahil masyado tayong nakatutok sa walang katapusang pagdami ng mga nahahawahan ng COVID-19 sa ilalim ng pamumuno nitong si Secretary Francisco Duque III; si Floyd mga tropapips ay inaresto ng mga pulis dahil sa umano’y reklamo na nagbayad siya ng pekeng $20 sa pagbili ng sigarilyo noong Mayo 25.

Sa kaniyang pagkakaaresto, pinosasan siya na nasa likod ang kaniyang mga kamay at pinadapa. Sa nag-viral na video ng kaniyang pagkakaaresto, makikitang nakadapa sa semento si Floyd habang nakadiin sa leeg niya ang tuhod ng isang puting pulis. May dalawa pang pulis na nakadiin din ang tuhod sa likod niya.

Ilang beses nakiusap si Floyd na alisin ng pulis ang tuhod sa kaniyang leeg dahil hindi na siya makahinga. Pero sa kabila ng pakiusap, hindi inalis ng pulis ang kaniyang tuhod hanggang sa mawalan na ng malay si Floyd at tuluyang natodas.

Dahil mga puti ang pulis at itim si Floyd, naging isyu na naman ng racial discrimination ang insidente at nagtulak sa mga tutol [puti man o itim] sa diskriminasyon para magprotesta. Sa ilang pagkakataon, nagkaroon pa ng riot at looting, at mantakin niyo mga tsong na sinunog ang isang himpilan ng pulisya sa Minneapolis.

Bagaman marami nang insidente ng umano’y pagmamalupit at paggamit ng sobrang puwersa ng mga puting pulis sa mga inaarestong itim, naging mas matindi ang dating ika nga ng nangyari kay Floyd dahil naka-video ito at makikita ang dahan-dahan niyang pagkamatay sa “tuhod” ng mga pulis. Bukod doon, makikita na walang kalaban-laban si Floyd nang mamatay.

Ang mga pulis na sangkot sa pag-aresto eh inaresto rin at kinasuhan kinalaunan matapos ang pagsiklab ng mga protesta. Kahit nga sa ibang mga bansa na mayroong mga itim at isyu rin ang diskriminasyon sa lahi eh ginamit na rin ang nangyari kay Floyd para magprotesta.

Ang tanong ngayon ng ilan nating kurimaw na kaibigan ang lahat ng lahi—mangyari rin kaya sa atin sa Pilipinas ang nangyari kay Floyd? Ang ibig nilang sabihin, malagay din kaya sa ganitong katinding problema ang PNP nang dahil lang sa isang “pagkakamali” na mag-power trip ang ilan nilang tauhan, at ibang lahi ang maging biktima—gaya kaya ng Muslim?

Bakit Muslim? Lagi kasing inirereklamo ng mga kapatid nating Muslim, tulad ni Basilan Representative Mujiv Hataman, na ang mga Moro ang madalas na maging “usual suspect” ng mga awtoridad sa kung anu-anong kaso tulad sa terorismo.

Kamakailan nga lang, pumalag si Hataman sa ginawang pag-aresto ng mga nakasibilyan na pulis sa dalawang Muslim na negosyante sa Maynila dahil iniuugnay daw sa droga.

Reklamo ng mambabatas batay sa natanggap niyang impormasyon eh walang mga arrest warrant ang mga pulis at hindi rin daw nagpapakita ng ID. Kung totoo raw na sangkot sa droga ang mga negosyante, dapat na legal at tamang proseso ng pagdakip ang ginawa ng mga pulis. Ngunit dahil hindi nga alam ng mga tao kung talagang pulis ang mga nagpakilalang pulis, prinotektahan nila ang dalawang aarestuhan at nagkaroon ng girian sa loob ng anim na oras.

Hindi mo rin kasi masisisi ang mga tao na magduda sa mga pulis na nakasibilyan na basta na lang mang-aaresto dahil maraming kaso na ngayon ng “hulidap.” Ang pangamba nga ni Hataman, papaano pa kaya kung maging batas ang Anti-Terrorism bill na puwedeng arestuhin ang mga terror suspek kahit walang arrest warrant at puwede silang ikulong ng hanggang 14 na araw kahit walang pormal na kasong kinakaharap. Pero ibang usapin ‘yan mga tropapips.

Kaya kahit busy tayo sa COVID-19, mapansin sana ng PNP at kapulutan ng aral ang nangyari sa kaso ni Floyd para hindi mangyari sa Pilipinas. Iyon nga lang, baka sa halip na iwasan ng mga pulis ang mang-abuso at mag-discriminate o power trip sap ag-aresto, baka ang gawin lang nila eh ipagbawal pagkuha sa kanila ng camera kapag may operasyon para walang ebidensiya.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.