Saturday, May 25, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Emoterong stress

May 4, 2019 @ 8:37

Kabilang ang mga Pinoy sa mga tao sa mundo na emotero o emosyonal, at madalas makaranas ng stress o may mga matinding alalahanin, batay sa isang global survey na Gallup.

Kung tutuusin, hindi naman siguro masama kung emosyonal kang tao, lalo na kung sentimental ang personalidad mo iyong mahilig namnamin at i-cherish ika na ang mga bagay-bagay at alaala. Pero ang laging stress, aba’y hindi maganda sa kalusugan ‘yan.

Batay sa mga lumabas na ulat tungkol sa survey na hindi naman sinabi kung ilang Pinoy ang tinanong at kung ano ang klasipikasyon o estado sa buhay (mahirap, middle class o mayaman,) lumitaw na 58 percent daw ang nakaranas ng stress isang araw bago gawin ang survey.

Hindi naman nalalayo sa mga Pinoy sa pagiging stress ang mga taga-Greece (59%), Tanzania (57%), Albania, Iran, Sri Lanka, at maging ang mayamang bansa na Amerika (55%). Sa hirap ng buhay sa Pilipinas na pahirapan makahanap ng maayos na trabaho [pagkatapos aagawan pa tayo ng mga Tsino], mahal ang bilihin, mahal magkasakit, mataas ang gasolina, mahal ang edukasyon, aba’y maii-stress ka talaga.

Sa mga millennial naman na laging nakatutok ang mga mata at tainga sa gadgets, kapag walang internet at load para makapag-Facebook o games, ayun, stress na agad. Hindi lang mai-text o hindi lang kaagad nakapag-reply sa messenger ang jowa, stress na agad. Wala lang nag-comment o nag-react sa FB post, stress na. At kapag stress, pati galit sa kapitbahay, naka-post sa FB.

Aba’y sabi ng mga doktor, dapat iwasan ang stress dahil nakakasama ito sa kalusugan at nagtatawag ito ng mga mabibigat na karamdaman. Iyon nga lang, may mga doktor din na nagbibigay ng stress sa mga kliyente nila. Subukan ninyong magpakonsulta sa doktor, aba’y masuwerte na kung on-time darating ang doktor na may klinik pa sa ibang lugar.

Sabi pa sa survey ng Gallup, anim sa bawat 10 Pinoy ang nakararanas ng negatibo at positibong emosyon. Puwede sigurong isipin mga tsong na konektado sa stress kung negatibo ang emosyon mo lalo na kung may personal kang pinapangambahan (gaya sa trabaho o love life) o kaya naman para sa iba (tulad sa problema ng kaibigan o mahal sa buhay).

Ang positibo o maganda naman sa pagiging emosyonal, mahilig tayong magpahalaga sa iba, sa mga bagay-bagay, at maging sa memories. Napansin mo ba na mahilig kang magtabi ng souvenir na kasama mo ang kaibigan mo o mahal mo sa buhay, o may napuntahan kang paborito mong lugar? Kung emosyonal kang tao, malamang na malambot din ang puso mo at nagiging maaawain ka at matulungin.

Kaya hindi na kataka-taka kung marami tayong nababasa sa social media na umiyak sila sa “Avengers: Endgame.” Puwede na ba nating sabihin kung bakit sila naiyak? Huwag na mga tsong at baka ma-stress ang mga hindi pa nakakapanood at baka magkaroon sila ng negatibong emosyon na kung tawagin eh galit.

Kung totoo man ang survey, ibig sabihin lang nito eh hindi manhid ang damdamin ng mga Pinoy. Iiyak sila kapag malungkot, magsasalubong ang kilay kapag galit, ngingiti kapag masaya, at “lutang” kapag stress. Sa ginagawa kaya ng China sa West Philippine Sea, anong emosyon ang dapat pairalin mga tsong?

Napag-usapan na rin lang ang emosyon, isa na namang kurimaw natin ang nagsumbong tungkol sa mga kamote rider ng motorsiklo na inaakalang para sa kanila ang bangketa. Stress sa galit ang ating kurimaw dahil naglalakad daw siya sa bangketa nang bigla siyang businahan ng kamoteng rider na naka-helmet. Sa sobrang pagkagulat, ninerbiyos siya at muntik pa raw matumba.

Ang kamote rider, tuloy-tuloy lang na para bang tama ang ginawa niya. Gusto raw sana ng ating kurimaw na hampasin ng payong ang kamote rider pero mabilis daw ang hinayupak. Ang matindi, may iba pang sumunod na kamote rider na ayaw matrapik sa tama nilang daanan.

Dapat na talagang kumilos ang lokal na pamahalaan lalo na ang mga barangay na magtalaga ng mga tanod na may hawak na yantok para hampasin sa helmet ang mga kamote rider na gumagamit ng bangketa.

Sa isang lugar na malapit sa Caloocan, may bangketa doon na nilagyan ng karatula na nagsaad na bawal ang mga motorsiklo na sumampa sa bangketa na para sa mga naglalakad. Dahil marami talagang rider na tanga at hindi mo malaman kung papaano nagkaroon ng lisensiya, kailangan pa talagang maglagay ng karatula para ituro sa kanila kung saan lang sila dapat dumaan, na kung tutuusin eh dapat alam nila. Pasasaan ba’t may makakatapat din ang mga ganitong kamote rider ng mga pedestrian na sobrang stress.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.