Parang matabang baka na puno ng gatas ang tingin yata mga tropapips ng mga opisyal ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Transportation (DOTr) sa mga motorista na karamihan ay maituturing “middle class.”

Middle class o nakaka-LL [luwag-luwag sa buhay] ang tawag sa mga taong nakasampa ang paa sa baytang na mas mataas sa mga kababayan nating nasa “lower class” o yung “WW” [o walang-wala] in short, mga mahihirap.

At siyempre, mga “upper class’ o nakaka-AA [angat-angat sa buhay] ang nasa itaas ng “middle class.” Sila yung kayang bumili ng kahit ilang sasakyan na gusto nila at kumuha ng mga katulong at yaya sa bahay, at magliwaliw sa kung saan-saan.

Pero kahit nakaka-LL ang mga middle class, marami sa kanila ang tiyak na sapul ng COVID-19 pandemic; na kung hindi rin nawalan ng trabaho o negosyo, eh malamang na nabawasan ang kita. Kaya ang anomang dagdag na bayarin, tiyak iindahin ng bulsa.

At hindi katulad ng mga nakaka-AA, ang mga nakaka-LL, hindi mamahaling sasakyan ang ginagamit at tiyak na pinipili ang bawat biyahe para makatipad sa konsumo ng gasolina. Kung may konting aberya sa sasakyan pero hindi naman magiging dahilan para tumirik sa kalye o makadisgrasya, tiyak na ipagpapaliban muna ang pagpapaayos hanggang makaipon ng pampagawa.

Kaya lang, mukhang sa panahon na ito ng pandemic, ang mga nakaka-LL na may sasakyan ang nagmimistulang gatasan ng LTO at DOTr. Kung ano-anong patakaran ang inilalabas nila at konting kembot, may multa na libo ang halaga.

Hanggang ngayon, marami ang dumadaing sa mga ipinakabit na RFID lalo na sa EasyTrip na gusto eh P500 lagi kapag nagpa-load. Ngayon eh may nakaamba pang car seat law para sa mga bata.

Bukod pa siyempre diyan ang mga binabayaran na tax ng mga motorista tuwing nagpapagasolina, nagpaparehistro ng sasakyan, at pati na sa renewal ng lisensiya at iba pa.

Pero sukdulan naman yata itong Motor Vehicle Inspection System (MVIS) na panibagong sistema para mairehisto ang sasakyan. Aba’y hindi biro ang nasa P1,800 na bayad sa unang pasilip kung “roadworthy” o ligtas daw sa kalye ang sasakyan.

At kapag sinabing bagsak ang sasakyan mo, sasabihin na may dapat ipaayos, at babalik ka uli sa kanila para magbayad na naman ng P800. Paano kung sabihin na bagsak pa rin? Babalik uli at muling magbabayad? Bukod pa diyan mga tropapips ang iba pang siningilin na nakasaad sa memorandum ng LTO na walang konsultasyon.

Laging idinadahilan ng mga opisyal ang dami ng mga sakuna, pero may pag-aaral ba sila kung sasakyan nga ba ang may problema o sa driver? Ang madalas nating makita sa mga balitang nasasangkot sa disgrasya, mga lumang trak, mga bus at pampasaherong sasakyan na sinasabing “nawalan ng preno.”

Pero ang mga pribadong sasakyan na lumilitaw na madalas na nasasangkot sa aksidente, lumilitaw na kung hindi lasing, hindi marunong magmaneho o hindi alam ang mga patakaran sa kalye. Ano na nga bang nangyari sa anti-drug driving law at bakit marami pa ring naaaksidenteng lasing?

Kamakailan lang, isang driver ng SUV ang nakasagasa ng rider sa Quezon City. Lumitaw na nagsisimula pa lang magmaneho ang driver ng SUV at hindi pa talaga marunong. Pero ang hawak niyang driver’s license na galing sa LTO– aba’y pang-“professional.” At hindi ito ang unang insidente tungkol sa kalokohan sa LTO patungkol sa mga lisensiya.

Dahil sikat ang LTO sa mga kalokohan pagdating pera, hindi natin masisisi ang mga mambabatas na paghinalaan na baka gagamitin din lang raket ang MVIS.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...