Friday, May 24, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Deployment ban sa skilled workers?

Mar 10, 2019 @ 9:45

Dahil nagkukulang na daw ang mga skilled worker sa Pilipinas, plano ng pamahalaan na limitahan o kung hindi man ay tuluyang ititigil muna ang pagpapaalis ng naturang uri ng manggagawa papunta sa ibang bansa para mapakinabangan sa “Build Build Build” program ng pamahalaan.

Pero bago natin pag-usapan ang mga in-demand na Pinoy skilled workers, nais itanong ng ating kurimaw na patay ang kuko sa kamay dahil napalo ng martilyo, kung totoo nga bang sinungaling ang lahat ng tao.

Kamakailan kasi, may isang politiko na nagsabi na hindi raw dapat maging “isyu” sa panahon ng kampanya ang “katapatan.” Katwiran niya, lahat naman daw ng tao ay nagsisinungaling. Ginawa niya ng naturang politika ang katwiran kasabay ng pagdepensa sa mga kaalyado niyang politiko na pinaparatangan na sinungaling.

Sa pagkakatanda natin mga tsong kahit hindi pa naman tayo matanda, sa mga nagdaang halalan, laging nababanggit ng mga kandidato na dapat silang iboto dahil tapat sila. Ibig sabihin, hindi nila niloloko ang mga tao na sinusuyo nila boto. Kung tutuusin, nais ng mga botante na piliin ang kandidatong tapat [kahit sa totoo lang eh hindi sila sigurado] dahil nais nilang maging “transparent” o walang itatago sa kanila ang kandidato kapag nanalo.

Kaya naman hindi natin masisisi ang ating kurimaw na magtaka sa kakaibang hirit ng naturang politiko na nagsabing hindi dapat maging isyu ngayon ang katapatan. Naniniwala kaya ang naturang politiko na sinungaling ang mga kandidato na kaniyang sinusuportahan? Totoo kaya ang mga pinagsasabi nila sa kampanya?

Sabi pa ng ating kurimaw, totoo siguro na nagsisinungaling ang lahat ng tao. Pero ang kaibahan nga lang ng karaniwang tao, hindi sila kumakandidato, hindi sila pasasahurin mula sa buwis, hindi sila hahawak ng malaking pondo ng gobyerno, at lalong hindi sila hahawak ng makapangyarihang posisyon na puwede nilang pagkakitaan, at higit sa lahat, hindi sila nagsisinungaling sa bayan.

Samantala, habang nambobola, este nanliligaw ng boto ang mga kandidato, problemado naman ang Pinoy skilled workers na nagpaplanong mangibang-bansa para magtrabaho. Kamakailan kasi, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na lilimitahan kung hindi man ititigil muna ang pagpapadala ng mga skilled worker sa abroad.

Unakasi, sinabing naaantala ang ilang infrastructure projects sa ilalim ng Build Build Build program ng pamahalaan dahil sa kakulangan ng mga manggagawa. May mga opisyal na nagtaas ang kilay sa naturang pahayag at hindi sila makapaniwala na kulang ng mga laborer na Pinoy kaya nag-iimport tayo ng mga manggagawang Tsino.

Dito na nilinaw na hindi naman laborer ang kulang kung hindi ang mga skilled worker, o mas bihasa at may sapat na pagsasanay o kaalaman sa iba’t ibang larangan sa construction tulad ng mga welder, electrician, at iba pa. Hindi lang iyong basta tagahalo ng semento, o tagalagare, at tagapukpok ng pako.

Pero ang tanong, handa bang magpakabayani ang mga Pinoy skilled worker na magtiyaga sa proyekto ng gobyerno kahit mas maliit ang sahod dito kumpara sa kikitain nila sa abroad? Handa ba naman ang gobyerno na gumawa ng hakbang para naman madagdagan ng kahit konti ang kita ng mga skilled worker na magpapasyang huwag na lang umalis ng bansa?

Ang problema kasi, kung magpapatupad ng “ban” ang DOLE, baka mabiktima lang ng mga illegal recruiter at mapahamak ang mga skilled worker na gagawa ng ibang paraan para makapagtrabaho pa rin sa ibang bansa. Pero sa kabilang banda, dapat isipin din ng mga skilled worker na hindi na sila mawawalay sa kanilang pamilya kung makakapasok sila sa proyekto ng gobyerno.

Ibang usapan na nga lang kung ang talagang pakay ng pangingibang bansa ng skilled worker eh malayo talaga sa misis niyang talak nang talak. Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.