Sunday, September 19, 2021
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Dagdagan ayuda sa COVID-19 patients

Jul 24, 2021 @ 9:28

Todo ang paalala mga tropapips ng mga opisyal sa publiko na mag-ingat dahil may local cases na tayo ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19. Pero ang payo ay para hindi tamaan ng virus, eh papaano na kapag tinamaan at naospital?

Para sa mga litong-lito kung ano ba itong mga variant-variant na ito; para din po itong isang brand ng softdrinks na may iba’t ibang flavor tulad ng regular, zero, light, diet, o kung ano-ano pa.

Bago malito, huwag kalimutan mga tropapips na kahit may iba’t ibang variant ang COVID matapos na mag-mutate o magbago, ang una pa rin at “original” nito eh ang galing sa China.

Dito sa atin sa Pilipinas, ang mga positibong COVID cases ay ipinapadala ang sampol sa Genome Center Biosurveillance para alamin kung nag-mutate ang virus. At kung nag-mutate, aalamin kung saan bansa nanggaling.

Bago pa man tayo masindak sa Delta variant na unang na-detect o nakita sa India, nauna nang nanindak ang Alpha variant na unang nakita sa United Kingdom; Beta variant na unang nakita sa South Africa; at ang Gamma variant ng Brazil.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Health tungkol sa mga variant noong July 16 mga tropapips, mas marami pa rin ang Beta variant na nakita sa mga COVID positive sa atin na nasa 1,685 (21 active, 47 nasawi, at 1,615 gumaling).

Sunod naman ang Alpha variant na 1,481 (20 active, 53 nasawi, at 1,403 gumaling). Ang Delta variant nang araw na iyon, 35 (0 active, 2 nasawi, 33 gumaling. Habang ang Gamma eh 2 lang, at parehong gumaling na.

Ang problema, marami ang nababagalan sa paglabas ng resulta ng ginagawang pagsusuri ng Genome Center. Ang ibang datos kasi na inilabas kamakailan, napag-alaman na COVID patient noong Hunyo pa. Ang iba eh gumaling na, at may namatay na rin gaya ng dalawang pasyenteng nasa Maynila.

Kaya kung may nagaganap man na pagkalat ngayon ng Delta variant, aba’y baka sa susunod na buwan pa natin malaman, o kaya naman eh talagang punong-puno na ang mga ospital, sementeryo o crematorium, gaya nang nangyayari sa Indonesia at India.

Ngunit hindi rin naman natin puwedeng sisihin ang Genome Center kung kulang sila sa tao at kagamitan. Kaya ang dapat gawin, tulungan sila ng mga may maraming pondong pangampanya para mapabilis at mapahusay ang kanilang trabaho.

At bukod sa paghahanap ng paraan para maiwasan ang pagkalat ng hawahan tulad nang pagbabawal ulit sa mga bata na gumala, aba’y dapat maghanap na rin ng paraan ang PhilHealth kung papaano madadagdagan ang tulong sa mga may “comorbidities” na tatamaan ng COVID.

Karaniwan kasing lumalaki ang gastos sa ospital na umaabot sa milyon-milyon ang mga may comorbidities dahil sa dati na nilang sakit na patuloy na gagamutin kahit pa nawala na ang virus sa katawan nila.

Kaya mungkahi ng ilang kurimaw natin na takot maospital, bukod sa “pneumonia cases” package ng PhilHealth para sa COVID patient na mula P43,997 hanggang P786,384, magandang maglaan din sila ng “comorbidities package.”

Tutal eh dinagdagan ng PhilHealth ang kanilang free dialysis coverage sa 144 mula sa dating 90 sessions, at naglaan din sila COVID-19 vaccine injury compensation package, malamang ang hirit ng mga may comorbidities: PhilHealth, bekenemen.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.