Sunday, May 24, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Dagdag dusa sa panahon ng pandemya

May 23, 2020 @ 7:15

Sa halip na bahagyang guminhawa, aba’y lalo pa yatang nadagdagan mga tropapips ang daing ng mga kababayan natin nang maging modified ang enhanced community quarantine sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan.

Pero bago natin pulutanin ang naturang isyu ngayong nasayaran na ng alak ang lalamunin ng ilan nating kurimaw, aba’y may tila pa-blind item sa Instagram post si Davao City Mayor Inday Sara Duterte tungkol sa tatlong “tao” na tinukoy niya bilang sina “Espasol,” “Sapin-Sapin” at “Chicharon.”

Hindi na natin babanggitin dito kung ano ang paksa ni Mayora Sara sa kaniyang IG post, pero konektado ito sa isang malaking kompanya na may malaking problema sa kanilang operasyon. At sa naturang post, nabanggit ni Mayora na, “Kung sabagay pasok naman na sila Espasol, Sapin-Sapin at Chicharon sa bulsa eh noh, 6 months to 25 years. So tuloy lang tayo sa bias.”

Ang mga kurimaw natin na kabisado ang problema ng malaking kompanya, may kani-kanilang hula na kung sino ang tatlong “tsibog” na binanggit ni Mayora Sara. Kung gusto niyo ring makihula mga tropapips, bisitahin niyo na lang ang IG account ni Mayora at bulungan niyo ako kung sino kaya ang tatlong itlog, este “tsibog.”

Balik tayo sa dagdag pagdurusa ng mga tao ngayong panahon ng pandemya. Alam naman natin ang kahalagahan ngayon ng mga PPE o personal protective equipment lalo na sa mga frontliners natin. Kaya marami ang nabuwisit kaugnay sa mga ulat na “overpriced” daw ang mga binibiling PPEs ng Department of Health (DOH).

Si Senador Ping Lacson, gustong pagpaliwanagin ang DOH sa usaping ito, na hindi lang ngayon lumutang kung hindi maging noong mga sandali na dumadami na ang kaso ng COVID-19 sa bansa. Aba’y mahigit 1,000 nga sa mga medical frontliners natin ang nagpopositibo sa virus at marami na ang nasasawi.

Kabilang sa mga sinasabing dahilan kaya maraming medical frontliners ang nagkakasakit eh dahil sa pagsusunungaling ng ilang pasyente tungkol sa exposure nila sa COVID-19, at ang kakulangan nila ng PPEs. Kaya nga maraming mga pribadong sektor din ang gumagawa ng paraan upang makakuha ng PPEs at ipinamimigay nila sa iba’t iba’t health workers.

Ibig sabihin, talagang mahigpit ang pangangailangan at kahalagahan ng PPEs kaya malaking kahayupan kung totoo ang nakalap na impormasyon ni Sen. Lacson na posibleng pinapatungan pa ang presyo ng mga PPEs.

Samantalang habang marami rin ang naghihimutok nating kababayan na hindi nakatanggap ng perang ayuda mula sa social amelioration program at nawalan ng kabuhayan umariba naman sa kanilang ubod na taas ng singil ang Meralco sa May billing na tinawag ng isang kongresista na ganid.

Hirit ng isa nating kurimaw, pinagkumpara niya ang May 2020 billing niya sa May 2019, at napansin niya na tila “dinoble” ng Meralco ang konsumo ng kaniyang kuryente ngayong taon. Madali raw gawin ang pagkumpara sa pamamagitan ng “chart” na makikita sa billing na ibinibigay ng Meralco bawat buwan. Ang chart ng May 2019 ay makikita pa raw sa billing ng April pababa.

Tanong ng ating kurimaw, pinili raw kaya ng Meralco ang buwan na may pinakamataas konsumo sa panahon ng tag-init at pagkatapos ay dinoble nila ito? Nasa 400kwh daw kasi ang konsumo niya ng May 2019, at ngayong hindi nag-reading ang Meralco ay naging 800kwh ang siningil sa kaniya; na ang paliwanag naman ng Meralco eh “full impact” daw ng ECQ.

Hiling ng marami, imbestigahan ng Kamara at Senado ang isyu ng mga PPEs, SAP, at Meralco billing na dagdag pahirap sa mga tao ngayong nararanasan pa rin ang matinding krisis. Kung mangyayari ang mga imbestigasyong ito at ano resulta, aba’y abangan.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.