Wednesday, October 23, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Coming soon: Cubao-Makati 5 minutes biyahe challenge

Jun 29, 2019 @ 9:28

Mistulang may “Avengers” movie tayong aabangan mga tsong bago sumapit ang Disyembre– ang Cubao-Makati 5 minutes travel challenge sa EDSA.

Pero bago natin pulutanin ‘yan, magbigay muna tayo ng paalala sa ilang motorista na mahilig gumamit ng “hazard light” kapag “zero visibility” sa kalye lalo na ngayong nagiging malalakas ang mga pag-ulan. At gaya ng mga instant noodles, ang mga kalsada natin, just add water—baha na naman. Ang resulta, trapik.

Buweno, timbre ng isa nating kurimaw na madalas mag-UV Express, napapansin niya na mayroong mga motorista na nagha-hazard ng ilaw [o yung patay sindi ang signal light] kapag halos wala nang makita sa kalye dahil sa lakas ng ulan, lalo na sa gabi.

Napapansin niya na may mga motoristang naka-hazard light pero lumilipat ng linya ng kalsada o limiliko kaya naiilang ang mga sasakyan na nasa likuran. Kung tutuusin mga tsong, kung zero visibility ang kalye, dapat na ang magbukas ng ilaw para makita ka ng sasakyan sa iyong likuran dahil magbubukas na ang pula mong ilaw.

Pero kung sa pakiramdam mo eh mas safe ka kung naka-hazard light, wala namang problema. Ngunit utang na loob, kung lilipat ka ng linya sa kalye, aba’y i-off mo ang hazard at gumamit ka ng “signal light” para malaman ng sasakyan sa likod mo kung ikaw ay kakaliwa o kakanan. Maraming iniisip ang driver kapag masama ang panahon kaya huwag ka nang dumagdag at huwag mong pahuhulaan sa kanila kung ano ang gagawin mong diskarte sa kalye. Okey?

Pagdating naman sa trapik, huwag nang umasa ang mga motorista na mawawala ang trapik kapag malakas ang ulan. Umamin kasi ang isang MMDA official na hindi mawawala ang baha kahit saksakan kuno ng dami ang anti-flood project ng DPWH ni Sec. Mark Villar. Aba’y wala rin palang silbi ang mga ipinagmamalaking mga pinalaking drainage daw sa Metro Manila.

Sabi ng opisyal, ang tanging magagawa lang daw ay mapabilis ang paghupa ng baha. Mukhang suko na sila na hindi nila malulutas ang baha. Ngayong may plano pang gumawa ng subway sa Metro Manila, good luck na lang sa mga sasakay kapag inabutan ng mala-Ondoy na baha. Pero malay natin, ang gamitin nilang tren sa subway eh submarine.

Buweno, gaya nang ginawa noon ni dating President Noynoy Aquino, gagamitin na rin ng kasalukuyang administrasyon ang mga tauhan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police sa pagmamando ng trapiko sa Edsa. Kung tutuusin, naging effective naman kahit papaano ang HPG noong bantayan nila ang Edsa. Aba’y nabawasan ang mga pasaway na motorista at mga abusadong mga tsuper, lalo na ang bus.

Hindi naman natin sinasabi na pasaway ang lahat ng bus driver pero sa totoo lang, napakaraming pasaway. Hindi gaya ng private vehicle na tuloy-tuloy ang biyahe at nais mabilis ang biyahe, ang mga bus, magbabagal at iistambay sa kung saan-saan [kahit maging dahilan ng trapik] basta makapagsakay lang ng pasahero. Subukan ninyong bumiyahe mula sa Timog, Quezon City patungong Makati, makikita ninyo na ang dahilan ng trapik eh iyong mga nakatenggang mga bus na tatawid ng Aurora Boulevard. Bukod pa sa mga bus na nasa bus lane pero kakawala sa linya para makipag-unahan sa mga kapwa nila bus.

Sabi ng pinuno ng HPG ngayon, isa ang disiplina bilang susi para mabawasan ang trapik sa Edsa at makamit ang pangako ni President Mayor Digong Duterte na maging limang minuto lang biyahe mula Cubao hanggang Makati. Sabi pa ng HPG, kaya raw nila ang maipatupd ang naturang challenge bago sumapit ang Disyembre.

Gaano ba katagal ang limang minuto? aba’y parang napapikit ka lang sa idlip. Kayanin kaya ang five minute travel lalo na’t panahon ng “holiday rush” ang Disyembre? May mga sinabi nang plano ang HPG na gagawin nila sa Edsa gaya ng pagsasara ng mga bus terminal sa Edsa, paglilipat ng motorcycle lane na hindi naman sinusunod ng mga rider, at sadyang hihigpitan ang mga bus na manatili sa kanilang linya.

Puna ng ating kurimaw na madalas maligaw sa one-way rule sa Makati, ang five minute travel daw ba eh epektibo rin sa biyahe ng Makati going Cubao? Sa totoo lang, kahit hindi matupad ang limang minuto, kahit nga lang 10 minuto eh okey na. At kung hindi naman magbago ang travel time sa Cubao-Makati, pero maaalis ng HPG ang baradong dulot ng mga pasaway na bus sa Cubao, hindi na rin masama.

May limang buwan pa naman bago sumapit ang Disyembre. Kumbaga sa pelikula, may sapat pang panahon para paghusayan ng HPG ang kanilang shooting at editing para pagdating ng showing, malalaman natin kung blockbuster o flop ang kanilang palabas. Abangan.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.