Saturday, August 15, 2020
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: ‘Bilibid it’ or Not: Mga preso, namatay sa COVID-19?

Jul 26, 2020 @ 9:39

Kahit parang nangungumbinsi na paniwalaan mga tropapips ang tunog ng Bilibid [believe it] ng New Bilibid Prisons, marami naman ang may pagdududa kung talagang namatay sa COVID-19 ang ilang “sikat” at may perang bilanggo dito, o high profile inmates gaya ni Jaybee Sebastian.

Pero bago ‘yan, aba’y dapat makilala at mahuli ang kumag na netizen na nagbanta ng hindi maganda sa buhay ng apat na taong gulang na anak na babae ni Anakalusugan party-list Representative Mike Defensor, na isa sa mga high profile na kongresista nitong nagdaang mga buwan.

Hindi yata tama na idamay ng kumag na netizen ang isang batang walang kamuwang-walang sa ginagawa o trabaho ng kaniyang ama. Ang kuwento kasi, nag-post si Defensor ng video ng anak habang nangunguna sa pagno-novena ng pamilya nang magkomento ang netizen na, “Papatayin ko yung anak mo, gago.”

May sunod pang komento ang netizen na nilagyan niya ng hashtag na, “papatayinkosijuliana,” “matasamata,” at “buhaysabuhay.” Demonyo siguro ang kumag dahil galit sa batang nagno-novena. O kung hindi man demonyo eh baka wala sa tamang pag-iisip para pag-isipan ng hindi maganda ang isang paslit. Kung yung tatay ang pinagbantaan niya, baka puwede mo pang palampasin.

Nagpatulong na raw ang kongresista sa National Bureau of Investigation para alamin ang tunay na pangalan ng netizen. Sana naman eh magpakitang gilas ang NBI at maibendera ang pagmumukha ng kumag na netizen na bukod sa ginagamit sa pananakot ang social media, eh bata pa ang pinuntirya.
Bakit na tayo sa Bilibid. Dahil sa lumabas na balitang may mga preso [kabilang ang ilang high profile inmates] ang namatay sa COVID at dali-daling ipina-cremate, maraming kurimaw natin na mapaghinala ang nag-isip ng kung ano-ano at hindi kaagad naniwala sa pahayag ng opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ang mahirap kasi, masyadong naging tila sikreto ang nangyari sa loob ng Bilibid mula sa pagkakasakit umano ng preso hanggang sa paglala ng kondisyon ng mga ito kung talagang nagkaroon ng COVID, at nauwi nga sa pagkamatay at dali-daling pagsunog sa bangkay.

Ang idinahilan ng BuCor kaya hindi nila inilabas ang detalye tungkol sa mga preso eh dahil sa data privacy, o karapatan ng mga preso na maprotektahan ang kanilang pagkatao dahil nga may kasamang stigma ang sakit sa COVID. Kaya lang, malalaking kaso ang kinasasangkutan ng ibang preso, at katunayan eh testigo ang ilan sa kanila sa kaso ng nakakulong ngayon na si Senador Leila De Lima kaya maituturing “public figure” na sila.

Pero kung noon pa man eh nagsabi na ang BuCor na may mga high profile inmate na nagka-COVID, at pagkaraan ay magbibigay sila ng update sa kalagayan ng mga ito (kahit hindi nila sabihin ang mga pangalan), aba’y baka hindi sana sila pagduduhan. At ngayon na namatay na at biglang sinunog pa ang bangkay na kasama sa protocol sa mga pasyenteng namatay sa naturang virus, aba’y matinding paliwanagan yan.

Ang nasa isip ngayon ng mga kurimaw nating tamang-duda, posibleng tatlo ang maaaring nangyari: Una, totoong namatay ang mga preso sa COVID; Pangalawa, sadyang pinatay sa loob ang preso; Pangatlo, nagkaroon ng bayaran at pinatakas ang preso at ibang tao ang sinunog.

Kung totoong nangyari mga tropapips ang pangatlo, aba’y parang pang-pelikula ang nakaisip ng ganung paraan ng pagpapatakas Kung ang tanong naman eh posible ba itong mangyari? aba’y lahat naman eh posible. Dahil hindi naman binubuksan ang body bag na pinaglagyan ng katawan bago sunugin, sino ang makapagsasabi kung sino ang sinunog maliban doon sa mga nagdala ng bangkay sa crematorium. Hindi rin madaling paniwalaan ang selfie ng bangkay.

Dahil sa tila nagkagulatan sa isyung ito sa Bilibid, may mga mambabatas at grupo na nais na imbestigahan ang pangyayari. Pero pagtiyak naman ng BuCor, kaya nilang patunayan ang kanilang pahayag. Kung ano ang maipakikita nilang ebidensiya, abangan. Pero ngayon eh dapat bantayan na ang iba pang kulungan na may mga high profile na bilanggo lalo na ang mga makuwartang drug lord.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.