Wednesday, April 24, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Bakit bawal ang motorsiklo sa bangketa?

Apr 6, 2019 @ 8:17

Nagpakita ng puwersa ang mga rider para ihayag pa rin ang pagtutol nila sa bagong batas na nagtatakda na lagyan ng plaka ang harap ang mga motorsiklo. Pero tanong ng ating mga kurimaw, anong say nila sa mga kapwa nila rider na “kamote” sa kalye—at umaabot pa sa mga bangketa.

Sa repoet, libu-libo ang mga rider na nagpakita ng puwersa laban sa bagong batas na naglalayong mapigilan ang paggamit sa mga motorsiklo sa krimen. Kung layunin ng protesta eh mapawalang-bisa ang batas, aba’y hindi na uubra iyon.

Ang dapat nilang gawin ay maghain sila ng petisyon sa Korte Suprema at humirit ng TRO o temporary restraining order para hindi maipatupad ang batas. Kuwestiyunin nila ang legalidad nito. Iyon ay kung talagang naniniwala sila na napag-iinitan silang mga rider at hindi makatwiran para sa kanila ang batas.

Kasama sa mga inirereklamo ng mga nagprotestang rider ay paglalagay ng dalawang plaka sa kanilang motorsiklo sa harap at likod. Inaasahan na mas magiging malaki rin ang plaka kaysa sa kasalukuyan. Bukod doon, color coded ang plaka na depende sa kung saan rehiyon ipinarehistro. Dapat ding iparehistro muli ang lahat ng mga motorsiklo. At kung masusunod ang target na panahon, mailalabas ang mga bagong plaka simula sa Enero 1, 2020.

Iyon nga lang, laging katwiran ng mga tutol sa bagong batas na delikado raw ang maglagay ng plaka sa harap. Baka raw liparin at maalis kapag mabilis ang kanilang takbo. Wala rin daw pagkakabitan ng plaka sa harap, at hindi rin daw makatutulong iyon sa pagpigil sa krimen. Katwiran nila, hindi naman gagamit o maglalagay ng totoong plaka ang kriminal sa motorsiklong gagamitin nito sa krimen.

Ngunit iba ang tingin ng ilan nating kurimaw sa katwiran na ‘di makatutulong ang paglalagay ng plaka sa harap para mapigilan ang isang kriminal na gamitin ang motorsiklo sa krimen. Maaari daw na ‘di mapipigilan ang kriminal na gumawa ng krimen pero maaaring makatulong ang paglalagay ng plaka sa harap para hindi niya maituloy ang krimen, o makatulong sa paglutas ng krimen. Paano?

Paliwanag ng ating mga kurimaw, ngayon kasi, dahil sa likod lang ang plaka, hindi mo agad malalaman kung may plaka o peke ang plaka ng motor. Pero kung maipatutupad na ang batas, kapag walang plaka sa harap, alam mo na agad kaya puwede nang sitahin. At dahil color coded ang mga plaka, mas madali na ring pagdudahan kung hindi naayon sa lugar na kinaroroon niya ang kulay nito.

Idinadahilan din ng ibang tutol sa batas na, “ibang plaka o nakaw na plaka” ang ikakabit ng kriminal sa motorsiklo na gagamitin sa krimen. Pero kung responsible kang rider, kung nawala ang plaka mo o ninakaw ang motor mo, aba’y dapat naman sigurong ireport mo iyon sa mga awtoridad. Iyon ang kahalagahan ng pagpaparehistro muli ng mga motorsiklo para may listahan ang mga awtoridad.

Dapat lang na magkaroon ng data base ng mga plaka na itinimbre na nawala o ninakaw para mas madaling masasakote kapag nakitang nakakabit ito sa ibang sasakyan. Ngayon naman sa tanong na saan ikakabit sa harap ang plaka, may kasabihan na kapag puwede, may paraan.

Sa dami ng mga rider na sinasabing nagprotesta laban sa bagong batas, nakita rin kung gaano talaga karami ang rider na naglilipana sa kalsada. Hindi na kataka-taka kung bakit nangunguna ngayon ang mga motorsiklo sa mga sasakyan na nasasangkot sa aksidente. Kung tama ang datos sa Land Transportation Officer, aba’y higit kalahati raw ng lahat ng sasakyan na nakarehistro sa bansa ay motorsiklo.

Pero ang tanong ng ating mga kurimaw, ilan sa mga rider na ito ang marunong sumunod sa batas trapiko? At sa dami ng mga promotor ng protesta, tinuturuan daw ba nila ang mga kapwa nila rider sa tamang paggamit ng kalsada—at hindi sila dapat sumampa sa bangketa?

Marami sa mga nakausap nating kurimaw ang gigil na gigil sa galit dahil napakarami raw nilang nakakasalubong na rider sa bangketa kapag trapik ang kalsada. Ano raw ba ang ginagawa ng mga barangay officials, ang mga mayor o local government units, at MMDA laban sa mga kamote rider na sumasampa sa bangketa? Ano raw kaya inaantay nila bago sila umaksyon? Baka raw Pasko.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.