Saturday, May 25, 2019
politiko-politics-ph-logo

Rey Marfil: Bagong Ador Mawanay?

May 11, 2019 @ 13:55

May kapilyohan itong isa nating kurimaw nang makita ang sinasabing gumawa ng website kung saan inilabas o in-upload ang “Ang Totoong Narcolist” video ni Alyas Bikoy, na nag-akusa sa mga anak at ilang kakilala ni President Mayor Digong Duterte na sangkot umano sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

Sino ang mga taong nasa likod niya, isa-isang pinabulaanan ng mga taong idinawit sa video ang alegasyon laban sa kanila. Maging ang Palasyo, naglabas din ng pahayag para itanggi ang mga bintang.

Hindi natin masisisi kung hindi kumilos ang mga awtoridad at maging ang Kongreso para alamin kung totoo ang mga bintang ni Bikoy sa video. Kumbaga, parang “white paper” lang ang mga pahayag ni Bikoy. Ang istayl nga lang niya, naka-video.

At lumabas ang katotohanan, unang tinangka ni Peter Joemel Advincula, alyas Bikoy na sirain ang magandang imahe ni dating Pangulong Noynoy Aquino, at ilan pang dating opisyal.

Ang tila nakalimutan ni Bikoy, meron pa lang siya g iniwang affidavit noong 2016 kay Senate President Tito Sotto kayat nasingil ito, ilang araw matapos lumutang at magpa-presscon kasama ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) na agarang binawi rin ang pag-aktong abogado nito.

Ang ending— kaboom, sunog ang pasabog ni Bikoy, mas malinaw pa sa “gin bulag” ang laman ang expose ni Sotto sa media forum na inorganisa ni Philstar Editor Marichu Villanueva. Ang tanong ng mgq kurimaw, bakit hindi ginawa sa Kapihan sa Senado ang mala-Ping Lacson presentation ni Sotto, maliban kung walang bilib sa sariling weekly forum?

Dahil nga panahon ng eleksyon, naalala ng nating kurimaw na marami ang maaaring mangyari na hindi aruk ika nga ng ating kaalaman. Isa na nga rito ang biglang pagkakaaresto kay Jayme, na nagpaalala sa isa nating kurimaw kay Ador Mawanay, ang lalaking nag-akusa naman noon kay Senador Ping Lacson ng kung anu-anong kalokohan, pati na droga.

Ito kasing si Jayme, may kaalaman diumano sa internet program at sinabing nautusan siya na gumawa ng website kung saan ilalabas daw ang mga propaganda ng kandidato ng Otso Diretso. Pero ang ending, inupload daw nang hindi niya nalalaman ang video ni Bikoy kaya masama ang loob niya.

Kung susuriin ang lumabas na mga pahayag ni Jayme, parang lumalabas na ang oposisyon—partikular ang Liberal Party, ang tila nasa ni Bikoy. Idagdag pa ang naglabasang mga larawan ni Jayme na kasama si Vice President Leni Rodredo, na lider ng LP.

Natural na itatanggi ng LP at kampo ni VP Leni ang mga hinala na sila ang nasa likod ni Bikoy. Ang larawan ni Jayme na kasama si VP Leni, puwedeng isipin na picture taking ng artista na kasama ang fans. Kahit naman siguro na sinong politiko, hindi tatanggi kung may magre-request na magpakuha sila ng larawan lalo na kung panahon ng kampanya.

Pero nagkataon nga lang kaya na may larawan si Jayme na kasama si Leni? Siya nga ba talaga ang gumawa ng website? O kamukha este, katulad siya ni Ador Mawanay?

Nang panahon na lumabas si Mawanay [na isa ring computer expert kuno], napag-uusapan na ang 2004 presidential elections kung saan isa ang pangalan ni Sen. Lacson na maugong na posibleng makalaban ng nakaupo noon na si Pangulong Gloria Arroyo.

Ika nga, naging punching bag ng mga alegasyon si Lacson at halos ipinukol ni Mawanay ang lahat ng puwedeng ipukol. Ang matindi, kasangga pa ni Mawanay ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na pinamumunuan noon ni Brig. Gen. Victor Corpus.

Pero matapos ang 2004 elections at nanalo na si Arroyo, binawi ni Mawanay ang mga alegasyon niya kay Lacson. At noong 2017, humingi na rin ng paumahin si Corpus kay Lacson, na maginoo namang tinanggap ng senador.

Ibig sabihin, dahil panahon ng eleksyon ngayon, dapat maging mapanuri at huwag basta agad maniniwala sa mga lalabas na bintang kung may bahid ng patama sa isang kandidato o grupo ng mga kandidato.

Aba’y abangan natin kung ano pa ang mga sasabihin nina Jayme st Bikoy kaugnay sa nagpagawa daw sa kaniya ng website. Tingnan din natin ang mga sasabihin niya pagkatapos ng May 13 elections. Bukod doon, abangan natin kung may bagong Ador Mawanay na lalabas kapag naman malapit na ang 2022 presidential matapos magpahayag si Lacson na hindi niya isinasara ang kaniyang pinto sa posibilidad na tumakbong pangulo.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!

(Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.