Monday, August 8, 2022
politiko-politics-ph-logo

May lindol text ‘alert’ ba?

Aug 1, 2022 @ 8:22

Pang-buwena mano sa liderato ni Pangulong Bongbong Marcos ang higit magnitude 7 na lindol sa Luzon noong Hulyo 27. At biruin niyo mga tropapips, nangyari ito 32 taon ang nakalilipas nang tumama naman noong Hulyo 16, 1990 ang halos kasinglakas na lindol sa Luzon na ang presidente ay ang namayapang si Pangulong Cory Aquino.

Sa lindol noong July 1990 na nasa magnitude 7.8, ang naging epicenter mga tropapips ay nasa lalawigan ng Nueva Ecija. Naramdaman din ang lindol sa Metro Manila, pero higit na matinding pinsala ang inabot ng Baguio City at Cabanatuan City kung saan marami ang nasawi.

Sa nakaraang lindol nitong nakaraang linggo naman, nasa 7.1 magnitude ang lakas. Ang epicenter ay nasa Abra, at nagdulot ng mas matinding pinsala sa Cordillera at Ilocos Region.

Marami ring taga-Metro Manila ang napatawag kay Lord dahil sa ramdam din ang lakas ng uga sa lupa. Talaga namang matatakot ka kapag bigla kang nahilo at makitang naglalakad na parang lasing kahit ang aso mo.

Pero may napansin ang ilan nating tropapips sa Metro Manila–naging tahimik daw ang cellphone nila ay walang nadinig na malakas na tunog ng “text alert” mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o National Telecommunication Communication.

Sabagay, parang dati nga naman eh nakakatanggap tayo ng maingay na text alert sa earthquake drill. Pero wala nga bang text alert kung kailan mayroon totoong malakas na lindol? Paano kung tulog ka?

Hirit naman ng iba, baka raw wala talagang text alert sa Metro Manila dahil nasa Northern Luzon ang sentro ng tama ng lindol. Iyon nga lang, naramdaman din naman ng mga taga-NCR ang uga.

At kahit ika nga eh tapos na ang uga, ilang tropapips natin ang nagsasabi na importante pa rin ang text alert para magbigay ng babala sa peligro ng aftershocks na kung minsan ay nagiging mas deadly kaysa unang uga ng lupa.

Ang babala nga ng mga eksperto, delikado kung sa Metro Manila tatama ang magnitude 7 na lakas ng lindol. Kung mangyayari raw ang ganitong kalakas na uga ng lupa at hindi handa ang mga tao, naku po, baka marami ang mapahamak.

Pero hindi lang naman sa panahon nina Tita Cory at PBBM nangyari ang nasa magnitude 7 na uga ng lupa. Noong Enero 2021, may magnitude 7.1 na lindol na yumanig sa Davao Occidental.

Mabuti na lang at malalim ang pinagmulan ng galaw ng lupa kaya hindi gaanong nagdulot ng pinsala at hindi rin lumikha ng tsunami.

Pero alam naman natin na madalas ang
paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaya dapat maging alerto ang mga utaw. Hindi kasi gaya ng bagyo na nakikita sa satellite kung paparating na, ang lindol eh nambubulaga. Literal na papailalim kung umatake.

Kaya dahil hindi maiiwasan sa unang pagtama ang lindol, ang puwedeng magawa ay aksyon na maaaring makatulong para maiwasan pa ang higit na pinsala. At isa na diyan eh ang pagbibigay ng babala tungkol sa aftershocks at iba pang dapat gawin.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.