Monday, January 18, 2021
politiko-politics-ph-logo

Face shield challenge habang naka-bike

Jan 2, 2021 @ 18:07

Noong bata pa kayo, narasanasan niyo rin ba mga tropapips na magmaktol at magsabi ng linyang ito na; “Puro utos! puro utos!,” Aba’y malamang ganyan ang sintemyento ng maraming tao ngayon sa mga inilalabas na direktiba ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases).

Kabilang sa mga naunang utos sa publiko ng AITF para iwas-hawa sa made in China virus na COVID-19 ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing o maglayo-layo, mahugas lagi ng kamay na may sabon o gumamit ng alcohol kapag lumalabas ng bahay o pupunta sa mga tindahan.

Kinalaunan, nadagdagan na iyan ng pagsusuot ng face shield para dagdag-harang sa talsik laway na puwedeng tumama sa iyo o lumabas mula sa iyo. Wala naman masama utos lalo na kung sasakay ng mga pampublikong sasakyan o mamamalengke o magma-mall dahil nga naman maraming tao lalo na nitong mga nakalipas na araw para namili ng regalo.

Katunayan, reklamo nga ng kurimaw natin na ipinapain sa daga ang handang keso-de-bola, maraming pasaway sa mga palengke at maging sa mall na mga mamimili na may kasamang mga alalay at saka daw magdadaldalan sa pila sa kahera na nakataas ang face shield.

Ang iba naman, akala mo raw eh mauubusan ng tutungtungan sa escalator dahil sumisingit ang mga mokong sa mga taong dumidistansiya sa nasa harapan nila para sumusunod utos na social distancing. Ang matindi, galit pa raw ang mga kumag na ‘di sumusunod sa minimum health protocols kapag sinita sila.

Sabi sa mga pag-aaral, malaking bagay talaga mga tropapips ang pagsusuot ng “tamang” face mask para maiwasan na mahawa o makahawa ng virus. Kung naka-face mask nga naman, mahaharang na ang talsik ng laway kapag umubo o nagsalita. Bukod dito, protektado rin ang may face mask kung matalsikan lalo na kung naka-face shield.

Wala naman sigurong aangal na magsuot ng face mask at face shield kung nakaupo ka lang sa biyahe o naglalakad sa mall o palengke, pero ang tumatakbo at nagbibisikleta–aba’y marami ang napa-OMG!.

Ang isa pa ating kurimaw na biker na relief goods na sardinas ang handa sa Pasko at Bagong Taon, sinabing sinubukan niya noon na mag-bike nang naka-face shield at halos matumba siya dahil nahaharangan ang kaniyang paningin at talagang kinakapos sa paghinga.

Sa totoo lang, aba’y sobrang effort na ang mag-bike nang naka-face mask dahil napakahirap huminga habang nagpapadyak lalo na kung paakyat ang daan, tapos dadagdagan pa ng face shield? Ano raw kaya ang susunod…magsusuot na rin ng PPE? O baka naman pagsuotin na lang ng full face helmet ang mga biker gaya sa mga rider ng motorsiklo.

Dahil hirap nang makahinga ang biker dahil sa face mask, mas mahihirapan pa silang makasagap ng hangin at lalong mahihirapan makahinga kapag naka-face shield. Gayung nasa kalye naman ang mga biker na open area at wala sa loob ng mall o palengke.

Sa halip na full face shield, siguro eh obligahin lang ang mga biker na magsuot ng face mask at sun o eye glass, o yung mga half face mask.

Pero kung ayaw maniwala ng mga mahilig mag-utos, bakit hindi nila subukan na isang araw eh huwag silang gumamit ng de-aircon nilang sasakyan at mag-bike sila nang naka-face mask at full face shield.

Kahit dalawang kilometro lang na padyak na may sikat ng araw para malaman nila ang pakiramdam ng iniuutos nila. Mayroon kayang magcha-challenge accepted?

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.