Thursday, January 27, 2022
politiko-politics-ph-logo

Build back better ulit

Dec 29, 2021 @ 8:18

Una nating nadinig mga tropapips ang linyang “build back better” nang manalasa ang super typhoon Yolanda noong 2013. At ngayon nanghambalos naman ng napakaraming lalawigan ang bagyong Odette, panahon na naman para muli itong pag-usapan.

Mantaking niyo na parang bolang nagpatalbog-talbog sa siyam na landfall si Odette sa Siargao Island, Surigao del Norte; Cagdianao, Dinagat Islands; Liloan, Southern Leyte; Padre Burgos, Southern Leyte; President Carlos P. Garcia, Bohol; Bien Unido, Bohol; Carcar, Cebu; La Libertad, Negros Oriental; at Roxas, Palawan.

Ang masaklap nito, kahit ilang beses siyang tumama sa kalupaan, hindi masyadong nababasag ang lakas ni Odette. Kaya naman ganoon na lang katindi ang lawak ng kaniyang pinsala sa lahat ng lugar na dinaanan niya.

Para bang ten-wheeler truck na nawalan ng preno sa pababaang daan na lahat nang madaanan eh wasak. Biruin niyo mga tropapips, ang tindi ng pinsalang inabot ng Siargao at Dinagat pero ganoon pa rin ang tindi ng pinsalang inabot ng Cebu, na pang-anim sa listahan ng kanilang landfall. Kahit nga sa Palawan, may mga impormasyon tayo na nagsaing may mga lugar din na nagulpi nang husto.

Pero dahil sa hindi naman tayo meteorologist kung hindi uziyologist lang, ipaubaya na natin sa PAGASA o kina Mang Tani at Kuya Kim ang paliwanag kung bakit ganoon ang nangyari. Baka ang isang paliwanag doon eh hindi masyadong tumama ang bagyo sa kabundukan kung hindi sa kapatagan na maraming puno ng niyog at mga estruktura.

May mga tropapips din tayong hindi maiwasan na magtanong kung naging tama raw kaya ang pagtaya ng PAGASA sa lakas at tindi ni Odette na hindi nila idineklarang “super typhoon” gaya ni Yolanda?

In fairview ika nga ng mga tropapips nating beshie, masipag naman ang PAGASA sa paglalabas ng weather bulletin para sabihin kung nasaan na ang bagyo at mga lugar na dadaanan nito para makapaghanda ang mga tao.

Iyon nga lang, magkakaroon kaya ng ibang paghahanda ang mga tao kung idineklara ng PAGASA na super bagyo si Odette? Posible kayang mas kakaunti ang nasawi?
Hanggang storm signal no. 4 ang pinakamataas na ibinigay ng PAGASA sa ilang lugar na tinamaan ni Odette. Pero ang Joint Typhoon Warning Center (JTWC) ng US Navy, idineklara nila si Odette na may intenational name na “Rai,” na isang super typhoon o Category 5.

Gayunman, past is past ika nga at water under the bridge na ang lahat dahil nangyari na ang pananalasa ni Odette; na batay sa mga lumalabas na ulat ay higit 300 na ang nasawi at sana naman ay huwag namang umabot sa libu-libo, gaya nang nangyari kay Yolanda.

Ngayon, dapat bukod sa pagkakaloob ng tulong sa lahat ng apektado, isa sa mga dapat sigurong suriin ng mga opisyal ay ang tinatawag na “build back better.” Lalo na sa mga evacuation center.

Makikita na maraming mga gusali na ginawang evacuation center ang nawasak din ng bagyo. Kaya kailangan kapag muli itong itinayo, tiyakan na kakayanin ang mga bagyo na kasing lakas ng super bagyo. Dahil sa climate change, sinasabi ng mga eksperto na asahan na mas magiging malakas ang mga bagyo.

Ang mga lugar na walang evacuation center, panahon na para pag-aralan na lagyan ng mga multi-purpose building na puwedeng maging taguan ng mga tao. Lalo na sa mga lugar na bahay-kubo lang ang mga tirahan.

Hindi lang ang mga evacuation center ang dapat tiyakin na matibay kung hindi maging ang iba pang estruktura, gusali, establisimyento at maging mga resort at hotel, na nakaranas nang hambalusin ng isang super bagyo.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.