Hindi na raw nagtataka ang ilang tropapips natin na marami ang nagrereklamo sa Manila Bay reclamation projects dahil parang iningles daw na reclamation ang reklamo. Ang tanong, umabot kaya sa korte ang reclamation o ang reklamo?
Pero bago tayo magreklamo, naglabas na ng mga pahayag ang mga dating presidente na sina Erap Estrada, Gloria Arroyo at Mayor Digong Duterte, na wala silang ipinangako sa China na aalisin sa Ayungin Shoal ang nakasadsad na kinakalawang na barko na BRP Sierra Madre.
Ang BRP Sierra Madre ang nagsisilbing kampo ng mga sundalong Pinoy sa Ayungin Shoal, na parang behong laway-laway ang China na maagaw at gawing ding pekeng isla, gaya ng ginagawa ngayon sa reclamation project sa Manila Bay.
Mantakin mo, ang kumpanyang ginamit pala ng China sa paggawa ng mga pekeng isla sa West Philippines Sea ang lumalabas na siya ring kompanya na inupahan ng mga negosyanteng nagpapagawa ng pekeng isla o reclamation sa Manila bay. Alam kaya iyon ng mga Gatchalian?
Puna ng mga makabayan nating ayudanatics na tropapips, hindi raw ba insulto sa mga Pinoy o kataksilan sa Pilipinas na bigyan mo ng trabaho ang mga Intsik o kumpanya ng Intsik na kasabwat sa pag-agaw sa teritoryo ng Pilipinas sa WPS gaya ng Mabini at Kagitingan reefs?
Pero ang mga ayudanatics na rin natin ang sumagot sa tanong nila. Baka raw mas nananalantay sa dugo ng mga negosyante ang dugong Tsino kaysa Pinoy. Bakit hindi raw kasi ipa-blood test?
Buweno, nagsalita na nga sina Erap, Gloria at Digong na hindi sila nangako sa China na aalisin sa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre na sumadsad o pinasadsad doon noong 1999. Sabi ng isang opisyal ng China, hindi raw tinupad ng Pilipinas ang paulit-ulit na pangako nito na aalisin ang naturang barko sa Ayungin Shoal na pilit din nilang inaangkin.
Mula 1999 hanggang sa kasalukuyan, ang tanging presidente na lang na hindi pa nagbibigay ng pahayag para itanggi na hindi siya nangako sa China eh itong si dating Noynoy Aquino o PNoy. Aba’y natural lang naman, dahil patay na ýung tao.
Pero dahil patay na at hindi na makakapagsalita, abaý baka maisipan ng China at sabihin na si PNoy nga ang nangako sa kanila. Tutal naman eh kilala na ang China na nuknukan sa kasinungalingan.
Kaya lang, tiyak na hindi maniniwala ang mga Pinoy kapag inginuso ng China si PNoy dahil alam ng lahat na si PNoy ang nagdala at nagreklamo sa international court sa ginagawang pambabarako at pang-aagaw ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas WPS. At naipanalo ng kaniyang administrasyon.
Tungkol sa reclamation projects sa Manila Bay, mukhang dapat isama ng Kongreso sa gagawin nilang imbestigasyon ang isyu ng patriotism sa ginawang pagkontrata sa kumpanya ng China na siya ring nasa likod ng mga artificial island sa WPS.
At habang naaantala ang proyekto na ipinatigil na ng Palasyo, abaý malaki ang nawawala sa mga negosyanteng nasa likod ng mga proyekto gaya ng mga Gatchalian. Baka may humirit na hindi maganda sa paghikayat ng mga negosyante ang pagpapatigil sa proyekto.
Pero kung magtatagal pang nakatengga ang proyekto, baka may humirit na dalhin sa korte ang usapin para magkaalaman na. Iyon nga lang, malamang na walang nakakasiguro kung pabor o hindi sa reklamo o reclamation ang magiging pasya ng korte. At iyon ang ating aabangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas sila’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)