Habang maraming Swifties (tawag sa fans ni Taylor Swift) ang malungkot dahil hindi kasama ang Pilipinas sa pagdarausan ng concert ng idol nila sa 2024, may mas importanteng isyu ang kailangang tutukan ang mga Pinoy na pagmumulan ng pagiging tigang ng maraming taniman–ang El Niño phenomenon.
Aba’y may mga kakilalang Swifties ang mga tropapips natin na naghihimutok dahil wala ang Pilipinas sa mga bansang pagdarausan ng Eras Tour ni Swift sa 2024.
Kung hindi tayo nagkakamali, tanging ang Singapore lang yata ang bansa sa Asya na pagdarausan ng Eras Tour. At dahil marami sigurong gustong makapanood, dinagdagan ang araw ng concert niya sa Singapore, sa halip na magdagdag ng bansa na puwede niyang puntahan.
Pagkasuwerte naman ng Singapore dahil tiba-tiba malamang ang turismo nila. Sayang at hindi kasama ang Pilipinas para naibida sana kaagad ng Department of Tourism ang bagong campaign slogan nito na Love the Philippines.
Kaya lang, baka alam ng team ni Swift ang mga aberya sa airport natin. Baka natakot ang tita na biglang pumalya ulit ang air traffic management system at wala na namang eroplanong makalipad, at matengga sila sa airport. At habang nasa airport, bumigay naman ang power supply at mawalan ng aircon.
Pero hirit ng ilang ayudanatics nating kurimaw na hindi masyadong pabor sa mga foreign artist na nagtatanghal sa Pilipinas dahil naagawan ang local artists natin, huwag daw malungkot ang mga Pinoy Swifties.
Kapag daw kasi naging 60 anyos na si Swift at wala nang pumapansin masyado, tiyak daw na taon-taon eh magko-concert na ang tita, este lola, sa Pilipinas. Gaya ng ibang matatandang foreign artists na kahit sa mga probinsiya na ang venue eh kinakagat na rin.
Bukod doon, bentang-benta naman daw sa Pinoy Swifties at pinupuntahan nila sa mga mall ang bading na impersonator ni Swift na si “Taylor Sheesh.” Kaya siguro inisip ni Swift na pagtitiyagaan na lang ng Pinoy ang nanggagaya sa kaniyang bading.
Habang nagdarasal ang mga Swifties na maisama pa rin ang Pilipinas sa Eras Tour ng idol nila, aba’y baka puwedeng unahin na nilang ipanalangin na huwag sanang masyadong maging matindi ang epekto sa bansa at sa mundo ng El Niño phenomenon na idineklara na ng PAGASA.
Ibig sabihin nito, may mga lugar na makararanas ng matinding init o tagtuyot, at sa kabilang bahagi naman ng bansa, baka magkaroon ng malalakas na pag-ulan.
Pero hindi lang naman ang Pilipinas ang makararanas ng ganitong problema, kung hindi maging ang iba pang bansa. Kaya nga ngayon pa lang, pinaghahanda na ang mga bansa ng mga kaukulang hakbang para maibsan ang epekto ng El Niño.
Kung magiging matindi at tatagal ng ilang buwan ang El Niño, aba’y posibleng maapektuhan ang suplay natin sa pagkain. Dahil kaunti ang bagyo, baka bumaba ang antas ng tubig sa mga dam. Ang resulta, maaapektuhan na naman ang suplay ng tubig sa gripo sa mga bahay, at pati na sa mga irigasyon.
Siyempre, hindi rin mawawala ang posibleng mga sakit na dulot ng matinding init. At baka tumaas na naman ang singil sa kuryente kung lalakas na naman ang konsumo ng mga tao sa aircon at electric fan.
Bilang paghahanda sa El Nino, bumuo na ng grupo ang Palasyo na mag-iisip ng mga paraan para maibsan ang epekto ng El Niño. Hirit ng ilang tropapips natin, sana raw eh may mga gifted child idea ang grupo at hindi lang puro cloud seeding at pag-import ang maiisip.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas sila’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow @dspyrey)