Uso yata ngayon mga tropapips ang “bulagaan” o gulatan–hindi lang sa pulitika, kundi pati sa showbiz. Kagaya nang nangyari sa “Eat Bulaga.”
Malamang na maraming ayudanatics na gustong masugod-bahay ng mga Dabarkads ang malungkot dahil natigil sa pagbibigay ng biyaya ang programa nang biglang magbitiw sa Tape Inc. ang mga host ng “Eat Bulaga.”
Ang Tape Inc., na pag-aari ng pamilya ni dating Congressman Romeo Jalosjos, ang producer ng “Eat Bulaga.” At noong nakaraang linggo nga, nagbitiw sa Tape sina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey De Leon, at iba pang hosts.
Mula nang kumalas sa Tape ang TVJ, replay ang ipinapalabas na Eat Bulaga. Kung tama ang mga impormasyon na naglalabasan, posibleng magbalik na sa “live” ang Eat Bulaga sa GMA pero iba na ang mga host.
May mga balita rin na lilipat ng ibang channel ang TVJ, kasama ang iba pang host at buong crew nito na umalis sa Tape. Ang tanong nga lang na aabangan–ano ang pangalan ng show?
Ang bulong-bulungan ng mga marites sa kanto habang tumitira ng kwek-kwek, “Dabarkads” daw ang magiging pangalan ng show ng TVJ. Dabarkads [o kabarkada] ang tawag sa mga host ng show, at maging sa mga nanonood sa kanila. Meron nagsabing “Eat All U Can” kasi tanghalian.
Hirit ng ilang ayudanatics, kung totoo na ang TVJ ang nakaisip ng pangalan ng titulong Eat Bulaga, bakit hindi raw “Eat Bulaga” rin ang ipangalan nila sa show na ililipat nila sa ibang channel. Tutal naman daw eh nagkabastusan na sila ng Tape Inc., bakit hindi pa nila sagarin?
At kung totoo na sa TV5 lilipat ang Eat Bulaga o ang Dabarkads, ang susunod na aabangan eh kung ano ang mangyayari sa “It’s Showtime” na ipinapalabas din sa tanghali sa naturang channel. Bakit hindi na lang pagsamahin ang dalawa at tawaging “It’s Bulaga!: Madlang Dabarkads!”
Samantala, nagkabulagaan din sa pulitika noong nakaraang Mayo nang i-demote o parang binalian ng pakpak si dating Pres. Gloria Arroyo (kongresista na ngayon sa Kongreso), matapos alisin bilang “Senior” Deputy Speaker.
Ang kumalat na pulutan sa inuman ng mga marites sa Kongreso, may nagbabalak daw kasi na ikudeta o alisin sa pagiging Speaker si Martin Romualdez, na pinsan ni PBBM.
Dalawang bersyon na nasagap ng mga tropapips natin mula sa mga duderong panadero tungkol sa alingasngas sa Kamara. Ang isa, mayroon daw may gustong maging Prime Minister. Habang ang isa pa, may gusto raw maka-1-2 punch sa Kamara at Palasyo.
Kahit walang nagkukumpirma na mayroon ngang nagpaplano ng kudeta sa Kamara, kaliwa’t kanan naman ang mga grupo at partido na nagpahayag ng patuloy na suporta nila kay Romualdez. Hirit ng ilang tropapips natin sa pulitika, parang nagkaroon ng “loyalty” check ng mga kaalyado ang liderato ng Kamara.
Ang problema sa pulitika, naghikab ka lang, ang kakampi mo ngayon, biglang magiging kakampi na ng kalaban mo. Kaya nga kahit sinasabing “maayos” na ang lahat sa Kamara na nakabakasyon na ngayon, dapat abangan ng mga utaw ang mangyayari bago magbukas muli ang sesyon ng Kongreso sa July na unang State of the Nation Address (SONA) ni PBBM.
Kadalasang nagkakaroon ng gulatan sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa umaga, at pagdating sa hapon para sa SONA, doon malalaman kung mapapa-a-che-che ang mga utaw. Abangan din natin kung pati sa Senado eh magkaroon din ng bulagaan sa araw ng SONA. Pero anuman ang version ni Uncle Romy at Kudeta ni Gloria— isa lang malinaw, meron Bumulagta!
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)