Pagkaraan ng 70 taon, nakasaksi uli ang mga utaw sa Britanya ng koronasyon ng bago nilang hari sa katauhan ni King Charles III. At maliban sa pagiging bongga ng okasyon, nagpista rin ang mga marites dahil nabuhay ang kampihang team Queen Camilla at team Princess Diana.
Para sa mga millennial at Gen Z na hindi masyadong pamilyar sa naging isyu ng dalawang bebot, naging laman ng mga balita noong dekada 80s ang pagiging pogi ng noo’y Prince Charles pa lang dahil pinagsabay niya ang kaniyang asawa na noon na si Princess Diana, at ang “side bet” na si Camilla, na may asawa na rin noon si Andrew Parker Bowles, na ayon naman sa mga marites, eh pinormahin din noon si Princess Anne, na kapatid ni Prince Charles o King Charles III na nga ngayon.
Sa ginanap na bonggang pagkokorona kamakailan kay King Charles III, na aakalain mong walang krisis sa pinansiyal ang UK dahil sa karangyaan ng Monarkiya, kasama ring kinoronahan, at opisyal na binigyan ng titulo bilang Reyna si Camilla.
Ginawa ang pagpapasa ng kapangyarihan sa Monorkiya ng Britanya kasunod nang pagkamatay noong Setyembre 2022 ng popular na Reyna na si Elizabeth II, na ermat ni Charles.
At dahil asawa ni Charles si Camilla, natural na ideklara siyang Reyna. Ang mga team Princess D, umi-emote na dapat ay si Princess Diana sana ang naging Reyna.
Siyempre, ang pagiging side bet ni Camilla ang sinisisi kaya naghiwalay sina Diana at Charles. Pero kahit hindi siguro nagkahiwalay sina Charles at Diana, iisipin mo pa rin naman kung buhay pa rin kaya ngayon si Diana para makoronahan siya bilang Reyna.
May ilang tropapips din tayo na hindi maiwasan mag-isip kung ano raw kaya ang tumatakbo sa isip ng mga anak ni Diana na sina Prince William at Prince Harry, nang kinokoronahan bilang Reyna si Camilla? Iniisip kaya nila na, “Dapat sa nanay ko ‘yan.”
Taong 1981 nang ikasal ang noo’y si Prince Charles at Diana. Dahil hindi galing sa malaking marangyang pamilya si Diana, marami ang bumilib sa kuwento ng buhay niya. Bukod pa sa lakas ng karisma ng ale na kita naman sa maamo niyang mukha.
Iyon nga lang, puwedeng sabihin ni Camilla kay Diana, “una siyang naging akin,” pagdating kay Charles. Siya naman kasi ang naunang naging jowa ng prinsipe.
At iyon na nga, mukhang matindi ang tama nina Charles at Camilla sa isa’t isa dahil lumalabas sa mga ulat noon na nagpatuloy ang relasyon ng dalawa kahit may kaniya-kaniya na silang sabit. At noong December 1992, naghiwalay sina Charles at Diana.
Pagsapit ng 1995, nagdiborsiyo sina Camilla at mister niya, at sa sumunod na taon naman eh sina Charles at Diana ang nagdiborsiyo. At pagsapit ng 1997, namatay si Diana sa car accident sa Paris, at kung ano-anong espekulasyon ang naglabasan.
Sa mga ulat na lumabas tungkol sa pagkakaroon ng side bet ni Charles, aminado si Diana na labis siyang nasaktan. Kung sa Pilipinas siguro nangyari ang sinapit ni Diana at mayroon nang Anti-Violence Against Women and their Children Act, malamang na swak ang Hari sa “psychological violence” dahil sa pagkakaroon ng kulasisi.
Ang maganda rin tanong ng iba, puwede raw kayang kasuhan din ng Anti-Violence Against Women and their Children Act dahil sa “psychological violence” ang mga side bet o kulasisi ni mister? Kasi nga naman, “it takes two to tango” ang pangangaliwa.
Ngayong tapos na ang koronasyon, abangan na lang ang susunod na kabanata sa Monarkiya ng Britanya. Bababa na kaya ang inflation rate sa UK, makakaiwas na kaya sila sa recession, at hindi na kaya magwewelga ang healthcare workers nila na nais ng taas-suweldo?
At kahit matagal nang wala si Princess Diana, malamang na hindi pa rin makakawala sa “multo” niya ang mahal na Haring Charles III at Reyna Camilla.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)