May inaabangan ang mga tropapips natin sa mga darating na araw o linggo kung lalaban o babawi na si dating Bureau of Corrections (BuCor) director-general Gerald Bantag, sa sinabi niya noon na ‘di siya magpapakulong.
Pero bago ang laban o bawi ni Bantag, pag-usapan muna natin ang tila laban o bawi rin sa mga napabalitang pagbabagong mangyayari sa “Eat Bulaga,” na pinakamatanda na yatang noontime sa Pilipinas.
Malamang na binata at dalaga pa ang iba nang una nilang napanood noon ang Eat Bulaga. Pero ngayon siguro eh may mga apo na sila gaya ng mga OG host nito na sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey De Leon.
Sa dinami-dami ng mga espekulasyon na naglabasan na matsutsugi raw ang ibang host ng EB, nagsalita na si Bullet Jalosjos, ang chief finance officer ng TAPE Inc., ang producer ng EB, na wala raw aalisin sa show, lalo na ang TVJ.
Aba’y hindi na nga naman Eat Bulaga ang show kapag nawala ang TVJ dahil sa kanila galing ang pangalan ng show at theme song nito. Baka kapag pinilit pang palitan ng pangalan ng show, ang lumabas eh Tae Baluga!
Kung totoo man o hindi na lumiliit daw ang kita ng EB kaya gusto raw ng bagong management na magkaroon ng pagbabago sa show, malalaman naman ng tao ‘yan sa darating na mga araw.
Ang ilan sa palatandaan, kapag bawat araw eh iba-ibang grupo na ang hosts, kapag may host na umalis, at kapag lumiit ang ibinibigay na premyo.
Sa ngayon, wala pa naman daw ganitong palatandaan na nakikita ang mga ayudanatics nating kurimaw na umaasang masusugod-bahay din sila ng dabarkads.
Samantala mga tropapips, ilang linggo matapos magpalabas ng magkahiwalay na arrest warrant ang korte ng Las Pinas at Muntinlupa laban kina Bantag at sa alalay niyang si dating BuCor deputy officer Ricardo Zulueta, aba’y hindi na mahagilap ng mga awtoridad ang dalawa.
Habang isinusulat natin ito, no-show pa rin ang dalawa. Kaya naman itinuturing na silang “wanted” ng mga awtoridad. Kaugnay ito sa kaso ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, at sa inmate/middleman na si Jun Villamor.
At kapag nasakote sina Bantag at Zulueta, hihimas ng mainit na rehas ang dalawang dating namamahala ng mga kulungan sa bansa. Wala kasing piyansa ang kinakaharap nilang mga kaso.
May tropapips tayo na napaisip na baka raw hinihintay lang ng dalawa ang tag-ulan bago sumuko. Kasi nga naman, sobrang mainit ang panahon ngayon kaya mainit din sa kulungan, at uso ang mga sakit lalo na ang pigsa. Baka raw iniisip ng dalawa na masira ang kutis nila sa loob.
Puwede ring sabihin ng dalawa na hindi sila nagtatago, bagkos eh hindi lang sila makita. Pero noong nakaraang taon, may panayam kay Bantag, at doon eh sinabi niya na hindi siya magpapakulong. Mas mabuti pa raw na patayin na lang siya.
Ngunit nitong nakaraang linggo, sinabi ni Justice Secretary Boying Remulla na may palipad-hanging mensahe umano si Bantag na susuko na. Kapag nangyari ‘yon, aba’y babawiin niya ang sinabi niyang hindi siya magpapakulong. May pagbabago rin kayang mangyayari sa kaso kung ang maunang sumuko eh si Zulueta? Abangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)