Matunog mga tropapips sa mga Marites sa Pasig River na may mababakante raw na mataas na posisyon sa gobyerno at dalawa ang masugid na pinagpipilian daw ng Palasyo sa naturang juicy post.
Pero bago ‘yan, aba’y nadagdagan ang pagiging abala ng Bureau of Immigration para ibangon ang kanilang dangal dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya na kinasasangkutan nila.
Hindi pa man kasi humuhupa ang isyu sa mga BI personnel na sangkot daw sa human trafficking, ngayon naman ay takaw alaska sila dahil hinahanapan daw ng yearbook ang mga bibiyahe abroad para patunayan na nagtapos ito.
Tuloy, may mga viral photo na nagpapakita na may mga pasahero na nagdadala ng diploma sa airport at iba pang katibayan na graduate sila. Pero paglilinaw ng BI, hindi naman ‘yon kailangan.
Nag-ugat ang istorya dahil sa mahigpit at matagal daw na pagtatanong ng BI sa mga bibiyahe sa labas ng bansa. Sa haba ng mga tanong– na ang iba ay wala naman daw kinalaman sa biyahe– naiiwan na ng eroplano ang kawawang pasahero.
Ang resulta, ang iba ay hindi na tumutuloy, habang ang may datung, bibili uli ng tiket para makalipad kahit madagdagan ang gastos nila. Depensa ng BI, kailangan ang matinding pagtatanong dahil na rin sa isyu ng human trafficking.
At tila para patunayan na may wenta ang mabusisi nilang tanong sa mga pasahero, inilalabas ng BI ang ilang istorya tungkol sa mga pasahero na naharang daw nila dahil sa posibleng isyu ng human trafficking.
Sabi ng mga tropapips natin na balak mag-revenge travel ngayong bakasyon, wala paki ang mga pasahero sa mabubusising tanong. Pero ang dapat daw isaalang-alang ng BI ay ang oras ng biyahe ng pasahero para hindi maiwan ng eroplano.
In short, kung nais daw talaga ng BI na makabawi sa ginagawa nilang pang-aabala sa pasahero, tiyakin nila sa pasahero na sasagutin ng BI sa tiket nila sa eroplano kapag naiwan sila. Kapag ginawa nila ‘yan, malaman na oks lang sa pasahero na tanungin sila nang tanungin hanggang magsawa ang BI.
Ngayon naman, usap-usapan ng mga Marites sa Mediola na may mataas na opisyal sa gobyerno ang aalis kaya hinahanapan na siya ng magiging kapalit.
Tanong ng isa nating tropapips na dating suki sa “hepa lane” ng U-belt, hindi raw kaya dahil sa importation na naman ang dahilan kaya sisibat ang naturang mataas na opisyal?
Buweno, dalawang sikat daw ang nangungunang pinagpipilian sa puwesto. Ang isa, dating senador na malawak na ang karanasan sa pulitika. Habang ang isang, dating opisyal na humawak na rin ng mataas na posisyon sa gobyerno.
Kumbaga raw sa karera, neck and neck ang laban ng dalawa dahil parehong malapit at may koneksyon sila sa kasalukuyang administrasyon.
Ang dating opisyal, may kasangga nang nakapuwesto ngayon kaya medyo nakalalamang daw. Kaya lang, baka maging isyu raw ang kaniyang “kulay.”
Ang hula ng mga marites, malalaman kung si dating senador o si dating opisyal ang mapipili depende kung kailan magbibitiw ang papaalis na opisyal. Kung hindi na niya paabutin ng pagtatapos ng “election ban” sa Mayo, malamang si dating opisyal ang papalit. Pero kapag inabot ng Mayo, asahan na ang napili eh ang dating senador. Abangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)