Thursday, January 20, 2022
politiko-politics-ph-logo

‘Nagoyo’ ni Mark

Dec 13, 2021 @ 10:52

Biglang kinabahan ang mga tropapips natin may pera sa bangko nang maibalita ang panibagong “hacking” attack sa bank accounts ng maraming kliyente ng isang malaking bangko.

Aba’y sa panahon nga naman ngayon ng pandemic na maraming transaksiyon sa kadatungan ang via electronic o online banking, mapapaisip ka nga naman kung gaano ba ka-safe ang pinaghirapan mong pera sa bangko.

Ang nangyari kasi, may mga depositor ng BDO ang nabawasan ang pera nila sa kanilang mga account at inilipat sa isang “account” sa UnionBank sa pangalang –“Mark Nagoyo.”

Hindi pa malinaw kung tunay na pangalan ang “Mark Nagoyo” o imbento lang. Kung siya ba eh kasabwat ng hacker o “biktima” rin at nagamit lang ang kaniyang account.

Kung imbento lang, papaano “siya” nagkaroon ng account sa UnionBank.

At kung tunay na tao naman si “Mark Nagoyo,” ibig sabihin ay may rekord siya sa bangko at maaaring matunton at maimbestigahan.

Pero duda ang mga tropapips natin kung tunay na tao si “Mark” dahil sa kaniyang apelidong kakaiba–“Nagoyo.” Sa unang basa, baka isipin mong lahing Hapon siguro si Mark. Kaya lang, ang alam nating katunog ng apelido niya sa Japan eh “Nagoya.”

At sa wikang Pinoy, ang “goyo” ay “daya” o “loko.” Sinadya kaya ng hacker na gamitin ang naturang apelido para ipakita ang husay niya sa panloloko o pang-gogoyo?
Sa ngayon, iniimbestigahan pa ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang insidente. Pero ang unang dapat gawin eh ibalik ang pera ng mga nabiktima ni “Nagoyo.”

Batay sa mga lumabas na ulat at maging sa mga post sa social media, sinasabing umaabot sa 80 hanggang 100 depositors ng BDO ang nabiktima ng hacker. Sinasabi rin ng mga biktima na hindi nila awtorisado ang paglilipat ng kanilang pera sa account ni “Nagoyo” sa UnionBank.

Ang ipinagtataka ng mga tropapips natin, may mga account na hindi lang isang beses binawasan ang kanilang pera nang hindi naman nagko-confirm ang depositor. Kung hindi naman awtorisado ng depositor ang money transfer, bakit natuloy?

Karaniwan kasing nagpapadala dapat ng text message ang bangko sa depositor kung may withdrawal o money transfer siya para dagdag “security” sa account. Ibig bang sabihin eh pati ang sistemang iyon eh napakialam ng hacker o nagkaroon ng kapabayaan sa BDO?

May mga tamang duda rin sa mga tropapips natin kung mayroon kayang kasabway sa bangko kaya nangyari ang naturang maramihan at matagalan na pag-atake sa mga bank accounts.

Ang mahirap nito, kung hindi madalas na nasisilip o ginagamit ng isang depositor ang kaniyang account, baka masorpresa siya na nasimot na pala ang pera niya. Kaya kung may deposit ka sa BDO, aba’y mag-balanse inquiry ka muna sa ATM.

Dapat bilisan ng BSP ang imbestigasyon at utusan agad ang BDO na ibalik sa lalong madaling panahon ang pera ng mga biktima lalo na ngayong kapaskuhan. Dapat itrato rin nilang “biktima” ang mga depositor na nawalan ng pera at hindi “suspek” o “pabaya” kaya nawalan sila ng pera.

Pero kahit maisauli ang pera ng mga depositor, malamang na marami pa ring tropapips natin ang mapapatanong kung safe ba ang pera sa online banking o mabuting bumalik na lang sa “old school” na passbook.

Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)

Politiko would love to hear your views on this...
Disclaimer:
The comments posted on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of POLITICS.com.ph. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Trending News

Want Politiko alerts on your inbox? Subscribe here.